TV

Ang huling lipad ng 'Adarna', ngayong linggo na!



Sa pagpasok ng huling linggo ng primetime telefantasya na Adarna, masasaksihan natin hindi lamang ang desisyon ni Ada sa kung sino ang pipiliin niya kina Migo, Agalon at Falco kundi pati na rin ang mangyayari sa Pugad Sanghaya at sa mga taong naging bahagi ng kanilang mga buhay.

Sa pagbabalik ni Migo sa mundo ng mga tao, muli silang magkikita ni Robin. Ngunit hindi pa rin siya bibigyan ng dating boyfriend ng isa pang pagkakataon dahil nahuhumaling na ito kay Dayana. Gagawin din kaya ni Robin kay Dayana ang pagpapahirap na ginawa niya kay Ada?

Sa Pugad Sanghaya naman, sinunod ni Ada ang utos ni Garuda na kantahan ang itlog para bumalik si Migo. Sa gitna ng kanyang pag-awit ay maaalala niya ang mga pangaral ni Larka, kaya ititigil niya ang pagkanta at tatakasan si Garuda. Hahabulin naman siya ni Falco ngunit darating si Agalon para iligtas siya. Magkakaayos pa kaya ang mga dating magkakaibigan pagkatapos ng lahat?

Muling gagamitin ni Garuda si Larka para makuha si Ada. Ngunit imbes na pahirapan ang ina ng hinirang ay babaguhin niya ang anyo nito para kakalabanin na si Ada. Dudukutin ng bagong Larka si Ada at dadalhin kay Garuda. Maibabalik pa kaya si Larka sa dating anyo niya, o siya mismo ang magdadala sa anak niya sa kapahamakan?

Ano kaya ang mangyayari sa paghaharap nina Ada at Garuda? Sino ang magbubuwis ng buhay para sa hinirang? At sino kina Migo, Agalon at Falco ang pipiliin ni Ada?

Alamin ang sagot sa lahat ng mga katanungang ito sa huling linggo ng Adarna, pagkatapos ng 24 Oras, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com