TV

Ina Feleo on working with mom, Direk Laurice Guillen: 'Masarap dahil parehas kami ng lenggwahe'


Kahit sa pilot week lamang mapapanood ang character actress na si Ina Feleo sa Akin Pa Rin Ang Bukas, masasabing importante ang kanyang ginagampanang role dahil sa kanya magsisimula ang kuwento. Mas napadali daw ang trabaho para kay Ina dahil ang mismong mommy niyang si Direk Laurice Guillen ang nag-direct sa kanya.

Sa panayan namin kay Ina sa press conference ng nasabing teleserye, naikuwento sa amin ng talentadong aktres ang kanyang mga karanasan sa taping ng drama series, kung saan gaganap siya bilang Emma Ignacio, isang kasambahay. Magkakaanak sila ng mayamang si Roel Villacorta (Gary Estrada)- si Lovelia (Lovi Poe), ang bastarda ng mga Villacorta.

Pangatlong teleserye na ito ni Ina sa Kapuso network, matapos gawin ang Kahit Kailan at Pilyang Kerubin.

Kumusta naman katrabaho si Direk Laurice?

“Actually, madali siya para sa akin dahil siyempre plus side sa akin na hindi ako ganoon ka-takot or intimidated dahil nanay ko naman siya. Masarap dahil parehas kami ng lenggwahe. Sa dami na ng workshops na nagawa namin together, minsan hindi na niya kailangan i-direct talaga,” anang aktres.

Tuwang tuwa naman si Ina sa role na napunta sa kanya dahil kakaiba ito sa mga nagawa niya noon.

Ayon sa kanya, “Masarap at saka kasi blessed ako dahil itong role na ito, ngayon lang ako gumanap ng kawawa pero walang halong kontrabida.”

Dagdag pa niya, “Grabe ‘yung character, binasa ko ‘yung week 1, lahat ng puwedeng mangyari, pinagdaanan niya. Ang bibigat, and to top it all off, ‘yung anak niya, sakitin. ”

Nabanggit din ng aktres na isang sexy scene kasama si Gary Estrada ang una nilang shinoot noong first taping day. Kabado daw siya dahil first time din niyang makilala si Gary noong araw na iyon. Paano dinirect ni Direk Laurice ang eksena?

“Ang style niya, blocking lang talaga siya. At saka siya, ‘pag ako ‘yung dinidirect niya, sinasabi niya kung nasan ‘yung camera,” ani Ina.

“Tapos parang ano lang siya, sabi niya, sensuality kayo dito. Sa workshops kasi, may sensual way of acting na not necessarily sexual. ‘Pag na-capture mo siya, kahit ‘yung hawak lang, merong meaning,” dagdag niya.

Hindi ba siya na-conscious na nanay niya mismo ang nagdirect ng ganitong klaseng eksena?

“Actually, naiilang ako pero parang inaccept ko lang na nakakailang dahil nanay ko siya at makikita [niya] na finifeel ko ‘yung nangyayari, pero siyempre, ‘yung attitude ko, gawin mo na, kasi kung patagalin mo, mas dyahe,” aniya.

Abangan si Ina Feleo sa kanyang natatanging pagganap bilang Emma Ignacio sa Akin Pa Rin Ang Bukas, pagkatapos ng Anna Karenina sa GMA Telebabad. -Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com