TV

Akin Pa Rin Ang Bukas: Matatagpuan pa kaya si Lovelia?


Lalong tumitindi ang mga nagaganap sa GMA Telebabad series na Akin Pa Rin Ang Bukas, lalo na ngayon na hindi pa rin natatagpuan ang katawan ni Lovelia. Naaksidente ba talaga si Lovelia? Buhay pa kaya siya? 

Noong nakaraang linggo, nasaksihan ng mga manonood kung paano nakuha ni Agatha ang tiwala ni Donya Beatrice. Habang lugmok sa kalungkutan ang matanda dahil sa pagkamatay ni Roel, binola niya ito at sinabihang magpalakas alang-alang sa apo nito na dinadala ni Agatha. Napanatag ang loob ni Donya Beatrice at ginawang nitong representative si Agatha  ng Villacorta family sa Board election ng kanilang kumpanya.

Ibinunyag ni Agatha sa Board members na may sakit si Lovelia at may taning na ang buhay, kaya baka hindi niya kayaning patakbuhin ang kumpanya. Ganito rin ang sinabi niya sa kanyang interview sa telebisyon.

Habang nasa ospital, napanood ni Lovelia ang interview ni Agatha. Galit na galit si Lovelia dahil maging si Roel noong buhay ito, hindi ipinaalam sa mga Board members ang tungkol sa kalagayan niya. Tama ang kutob niya na hindi mapagkakatiwalaan si Agatha, at pera lang ang gusto niya mula sa pamilya Villacorta. Ipinaalam ni Lovelia ito kay Conrad nang dalawin siya nito. Nais din ni Lovelia na si Conrad ang pumalit kay Roel bilang CEO ng kanilang kumpanya.

Sina Agatha at Jerry naman, nagsisimula nang magkaroon ng mga hindi pagkakaintindihan. Naaawa na si Jerry kay Lovelia dahil sa mga panlolokong ginagawa nila ni Agatha sa kanya. Kinuwestiyon ni Agatha ang loyalty ni Jerry. Pakiramdam niya ay mahal na ni Jerry si Lovelia.

Agad namang sinugod ni Lovelia si Agatha nang uwmuwi siya sa mansyon. Sinita niya si Agatha dahil sa mga sinabi niya sa Press tungkol sa kanya. Natulak ni Lovelia si Agatha, at dinugo ito. Alalang-alala si Donya Beatrice. Maging si Jerry, labis ang concern dahil anak niya ang dinadala ni Agatha.

Buti na lamang ay naitakbo agad sa ospital si Agatha kaya nailigtas ang bata, ngunit may panibagong problema na naman. Huling-huli ni Lovelia na naghahalikan sina Jerry at Agatha. Hindi siya makapaniwalang nagpaloko siya sa mga ito, lalo na kay Jerry.

Nagmadali si Lovelia papunta sa kanyang kotse. Si Conrad na lang ang matatakbuhan niya, ngunit wala ito sa kanyang condo nang puntahan ni Lovelia. Dinalaw na lamang niya ang puntod ni Roel, at sinumpang pagbabayaran nina Agatha at Jerry lahat ng mga kasalanan nila kay Roel at sa kanya.

Nang malaman ni Conrad sa receptionist na galing si Lovelia sa kanyang condo, agad niyang tinawagan ang dalaga, pero nakapatay na ang cellphone nito. Pumunta siya sa tahanan ng mga Villacorta upang ipaalam na nawawala si Lovelia. Ipinagtabuyan lamang siya ni Beatrice. Samantala, nagmamaneho si Lovelia sa gitna ng malakas na ulan. Magugulat siyang may nakasunod sa kanya, at susubukan siya nitong barilin.

Makakatanggap naman ng balita sina Beatrice na nahulog sa bangin ang kotseng minamaneho ni Lovelia, ngunit walang katawang natagpuan.

Ano kaya ang nangyari kay Lovelia? Alamin ang kasagutan! Abangan ang Akin Pa Rin Ang Bukas pagkatapos ng Kahit Nasaan Ka Man sa GMA Telebabad.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com