TV

Dingdong Dantes, ibinahagi kung ano ang gustong matutunan ni Zia sa 'Amazing Earth'

By Maine Aquino

Si Dingdong Dantes ay bibida sa isang makabuluhang infotainment show na Amazing Earth para talakayin ang iba't ibang klase ng mga hayop sa ating planeta.

Ang Amazing Earth ay magpapakita rin ng iba't ibang adventures ni Dingdong sa isla, bundok, karagatan at kagubatan ng Pilipinas.

Dahil isa itong informative show ay ibinahagi ni Dingdong ang mga nais niyang matutunan ng kanyang anak na si Zia sakaling mapanood niya ito.

Ayon kay Dingdong, "Isa sa mga gusto kong matutunan niya ay hindi tayo nag-iisa dito. Hindi porke't nakikita mo 'yung kapitbahay mo. Hindi porke't nakikita mo siguro 'yung mamamayan sa ibang bansa kaya nagta-travel eh 'yun na 'yun. Marami pa tayong hindi nararating. Marami pa tayong hindi nakikita."

Ipinaliwanag rin ni Dingdong na importante ang mabigyan ng respeto ang bawat nilalang na nabubuhay sa ating planeta.

Aniya, "Just as humans, we co-exist. Kasama na rin natin ang mga hayop. They co-exist amongst themselves and we should also co-exist amongst each other. So 'yun 'yung isa sa mga gusto kong matutunan niyo. Para mabigyan din ng respeto ang iba't-ibang klaseng hayop. Mabigyan rin ng respeto at iba't-ibang elements of nature."

Ang Amazing Earth ay magsisimula na ngayong June 17, 6:10 p.m. pagkatapos ng 24 Oras Weekend.