TV

Rita Daniela at Ken Chan, sasabak na ulit sa lock-in taping para sa 'Ang Dalawang Ikaw'

By Dianara Alegre

Naghahanda na para sa third leg ng lock-in taping ng Ang Dalawang Ikaw ang lead stars nitong sina Ken Chan at Rita Daniela.

Teaser pa lang ay kaabang-abang na ang seryeng pagbibidahan ng RitKen kaya naman hindi na magkamayaw ang kanilang fans na mapanood ang muli nilang pagtatambal.

Sa pagkakataong ito ay masasaksihan na raw ng publiko ang mas mature na love team ng RitKen. Bukod dito, sensitibo rin ang istorya ng serye kaya kinailangan nila ng masusing pagre-research nang sa gayon ay magampanan nang maayos ang kanilang mga karakter.

A post shared by Ken Chan (@akosikenchan)

Gagampanan ni Ken ang role ng lalaking may dissociative identity disorder (DID) -- isang mental illness kung saan nagkakaroon ng multiple personalities ang isang tao, dahilan para magkaroon siya ng dalawang katauhan - sina Nelson at Tyler.

“Kinailangan po ng matinding workshop talaga and mas nag-dobleng effort kami because very sensitive 'yung topic na ilalabas namin,” aniya nang makapanayam ng 24 Oras.

Si Rita naman ay gaganap bilang si Mia, ang asawa ni Nelson.

Ayon sa aktres, hindi na lamang kilig ang hatid ng kanilang tambalan dahil mula sa huli nilang proyekto ay naging malaki umano ang growth ng kanilang love team.

“Grabe 'yung growth namin as an actor most especially as a love team kasi 'yung love scene actually we were really waiting for it kasi hindi pa kami nabibigyan ng mga ganitong mga klaseng eksena,” ani Rita.

Samantala, malaki ang pasasalamat ng cast, lalo na ni Ken, na mabigyan ng pagkakataon na bigyamg-buhay ang karakter ni Nelson/Tyler.

“Sobrang nagpapasalamat ako sa GMA kasi very brave talaga ang GMA na gumawa ng ganitong teleserye na tinatawag nating adboka-serye because may pinaglalaban.

Dito sa Pilipinas, hindi gano'n ka-popular itong DID. Kahit papano, magkakaroon sila ng idea, madadagdagan 'yung knowledge nila about sa ganitong klaseng kondisyon,” lahad ni Ken nang makapanayam ng 24 Oras noong January.

Dagdag pa niya, “Ang lagi ko kasing wish e 'yung magkaroon ng isang serye na pangarap kong gawin. At ito, itong serye na gagawin ko ito 'yung isa sa mga pinagdadasal ko at wini-wish ko talaga na sana magawa ko at tinupad ulit ni Lord.

“Ang goal ng 'Ang Dalawang Ikaw' ay para turuan namin at mabigyan ng idea 'yung mga tao kung paano ba tumatakbo 'yung buhay ng mga DID.”

Bukod sa RitKen, tampok din sa serye si Anna Vicente bilang si Beatrice, ang fiancee ni Tyler, Dominic Roco, Jake Vargas, Jhoana Marie Tan, at Jeremy Sabido.