TV

Ken Chan at Rita Daniela, naubos ang lakas sa roles nila sa 'Ang Dalawang Ikaw'

By Jansen Ramos

Nagbawi ng tulog ang love team na sina Ken Chan at Rita Daniela pagkatapos ng lock-in taping nila para sa upcoming GMA Afternoon Prime series na Ang Dalawang Ikaw.

Napasubo raw sila sa umaatikabong aktingan kaya pakiramdam nila ay sobra silang napagod.

Dalawang personalidad ang gagampanan ni Ken, Nelson at Tyler, dahil mayroong split personality ang kanyang karakter.

"Sobra 'yung mga ginawa namin do'n talagang 'yung effort, 'yung lakas namin talagang kinain ng Ang Dalawang Ikaw kaya ito ine-enjoy namin 'yung pagtulog, pagpapahinga, pagre-relax," bahagi ni Ken sa panayam ni Lhar Santiago sa "Chika Minute" ng 24 Oras.

Sa kabilang banda, si Rita ang asawa ni Ken sa bagong soap.

Dahil hindi pangkaraniwan ang mental disorder ni Ken sa Ang Dalawang Ikaw, ang karakter ni Rita ang magsisilbing moral compass ng karakter ni Ken--bagay na hindi daw naging madali para sa aktres dahil dalawang magkaibang tao ang kailangan niyang pakitunguhan.

"First time sa 'kin nangyari na parang kailangan ko ng three to five days na pahinga," sambit ni Rita.

Hindi naman daw talaga biro ang mga pinagdaanan ng mga karakter na ginagampanan nina Ken at Rita dahil may kinalaman ito sa mental health ng isang tao na kailangan ng matinding pag-unawa.

Ani Ken, "Worth it talaga. Natutuwa kami, kinikilig kami, kasi kahit sobrang hirap ng mga eksena na ginagawa namin, ang ganda naman po ng kinalabasan."

Samantala, natutuwa naman sina Ken at Rita sa magandang samahan nilang lahat sa kanilang lock-in taping.

Kaya noong last day ng taping nila, nagluto si Rita ng 450 special scrambled eggs para sa 100 katao na miyembro ng production team.

Panoorin ang buong ulat sa video sa itaas.

Mapapanood ang world premiere ng Ang Dalawang Ikaw sa Lunes, June 21, pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA.

Para naman sa mga Kapuso abroad, bisitahin ang www.gmapinoytv.com para sa iba pang impormasyon kung paano mapapanood overseas ang drama series.