TV

'Hindi lang ako ang Mrs. Real?' - Shiela



Tama ba ang narinig ko mula kay Edgar, na hindi lang ako ang asawa ni Anthony? Imposible naman 'yun dahil nagpakasal siya sa akin, at may CENOMAR naman siya. Marahil ay sinisiraan lang siya ni Edgar sa akin, dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap na sa iba ako nagpakasal.

Pero bakit parang malakas ang kutob ko na tama si Edgar? Bigla-bigla na lang pumupunta si Anthony ng Manila, tapos ang sasabihin lang sa akin ay may dapat siyang asikasuhin. Hindi man lang niya naisip na isama ako sa mga lakad niya. Sinasabihan ako nina Papang at Mamang na dapat ay inaalam ko ang mga lakad ni Anthony, na dapat ay hindi ako makuntento na ite-text lang niya kung kailan siya aalis at babalik.

Hindi naman ako nagpapadala sa kutob ko, kasi pinaparamdam naman sa akin ni Anthony na mahal niya ako, na ako lang ang babae sa buhay niya. Naisipan pa nga niyang bumukod na kami dahil nasasakal na daw siya kay Papang. Hindi naman niya siguro ito gagawin kung may kahati ako sa kanya, 'di ba?

Wala pa ring kasiguraduhan ang lahat hangga't hindi ko mismo napapatunayan ang sinabi ni Edgar. Hindi ako matatahimik hangga't hindi nakikita ng dalawang mata ko na may iba pang asawa si Anthony. Kung tama nga siya, paano ko ito tatanggapin? Matatanggap ko ba ang panlilinlang na ginawa sa akin ng lalaking pinakasalan ko? Paano nga kung dalawa kaming Mrs. Real?