TV

Ano ang tinatago ni Anthony? - Millet



Nagulat ako sa biglaang pagbago ng isip ni Anthony. Siya ang nakaisip na magkaroon ng party sa bahay dahil hindi natuloy ang play ni Tonton sa school. Sa bahay na lang daw mag-present sina Tonton at mga kaklase niya, at iimbitahin pa namin sina Mommy, Daddy, Mama at Papa para panoorin ang mga bata.

Pero biglang may emergency daw sa construction nila sa Cebu kaya kinailangan niyang bumalik agad. Hindi daw niya ito maipaubaya kina Allan at Vincent kasi project niya daw ito, na sa kanya daw ito ipinagkatiwala ni Papa. Nagkasagutan pa kami dahil pinagtaasan niya ako ng boses. Sinasabi ko kasi sa kanya na siya ang nakaisip nitong party tapos siya ang hindi makakapunta. Mas mahalaga daw ang trabaho niya sa Cebu dahil responsibilidad niya 'yun, at hindi niya puwedeng iwan.

Hindi ko na naiintindihan si Anthony. Siya na daw ang bahalang magpaliwanag kay Tonton na hindi siya makakasama sa party. Ano ang gusto niyang isipin ng bata, na mas mahalaga ang trabaho ng Daddy niya kaysa amin? Mas madalas na nga siyang nasa Cebu kaysa dito sa Manila, at ngayon na may okasyon sa bahay, aalis naman siya.

May pinagkakaabalahan ba ang asawa ko sa Cebu bukod sa project niya? Dapat ko na ba siyang pagdudahan dahil sa pabigla-bigla niyang desisiyon na bumalik doon? Mayroon kaya siyang nililihim sa akin?