TV

Maricel Soriano, nilapatan ng first aid si Dingdong Dantes matapos sampal-sampalin

By CHERRY SUN
 
Sa Ang Dalawang Mrs. Real, nalaman na ni Millet (Maricel Soriano) na pinagtataksilan siya ni Anthony (Dingdong Dantes) kaya’t kokomprontahin na niya ito sa Lunes.

Sa lakas at dami ng mga sampal na pinakawalan ng Diamond Star sa eksenang iyon, pareho silang nasaktan ng Primetime King.

Kwento ng batikang aktres sa 24 Oras, “Sumakit nga ‘yung kamay ko. Hirap na hirap akong huminga. Para bang, ‘Bakit, Mary, bawal bang huminga? I-try mo, pwede ‘yan'.”

“Sa totoo lang never pa nangyari sa akin ‘yun. Never pang nakadapo sa mukha ko ang ganoong klase ng mga sampal kundi sa kanya lang. I mean ‘yung ganung karami ah,” pag-amin naman ng Kapuso Primetime King.

Gayumpaman, sanay na raw si Maricel sa mga ganitong eksena. Siya pa mismo ang nag-asikaso kay Dingdong pagkatapos niyang pagsasampal-sampalin ito.


“Girl scout, di ba? Nakahanda ang cooler, kaya ‘yung ice pack, pak. Ganyan,” pagmumuwestra niya sa paglalagay ng mga ice pack sa pisngi.

Tila naibsan nga ang pananakit at pamamaga ng mukha ni Dingdong dahil sa first aid ni Maricel.

“Sabi nila, ‘Wala nga, ano’. O, sabi ko sa inyo mahusay ako sa mga ganyang mga namamaga,” pagmamalaki ni Maricel.

Malaking tulong daw sa paghahanda ng dalawang premyadong artista ang mga naunang eksena nila sa Ang Dalawang Mrs. Real. Sa isa’t isa rin sila humugot ng emosyon.

Ani Maricel, “Very cooperative kasi si Dingdong. Alam ko na artista siya; alam ko na mahusay siya. Pero kumbaga rito, nakita ko sa kanya ‘yung eagerness na mas may malaman pa siya.”