TV

Lovi Poe to Shiela: 'Hindi lang siya ang nag-iisang lalaki sa mundo'

By MICHELLE CALIGAN

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Para sa Ang Dalawang Mrs. Real star na si Lovi Poe, malaki ang pagkakaiba nila ng kanyang character na si Shiela sa kanyang totoong personality, lalo na pagdating sa pag-ibig.

"Pagdating sa love, magkaibang magkaiba kaming dalawa, sa pag-iisip, kung paano [i-handle] ang relationship. Siguro ang kapareho ko lang kay Shiela ay ang pagiging maalaga sa taong minamahal niya," kuwento ni Lovi nang dalawin namin siya sa set ng naturang teleserye.

Nakikita rin ni Lovi na nagiging selfish na si Shiela, pero alam nito na talo na siya pagdating sa pag-ibig ni Anthony.

"?May mga panahon kasi na nagiging selfish siya. Minsan, hindi mo alam kung totoong pag-ibig ba 'yun o pagiging selfish. Pagdating sa nararamdaman ni Shiela ngayon, alam na alam naman niya na talo na siya. Kumbaga napakita na sa kanya ni Anthony na wala nang pakialam si Anthony sa kanya, sa nararamdaman niya. Gusto niya makakuha ng trabaho, gusto niya ipakita sa lahat na kaya niyang mag-isa. Although mahirap 'yun para sa kanya. 'Yun siguro ang pinakagusto niyang mangyari."

Kung may maipapayo man daw si Lovi sa mga babaeng tulad ni Shiela sa totoong buhay, ito ay ang huwag iasa sa isang lalaki ang sarili mong kaligayahan.

"Hindi lang siya ang nag-iisang lalaki sa mundo. At para maging masaya ang isang babae, hindi naman kailangan 'yung lalaki lang ang magpapasaya sa 'yo. Ang daming paraan para maging masaya. Kailangan talaga na mayroon kang self-fulfillment, kasi without it, 'yung kasiyahan mo maging dependent sa ibang tao. 'Yun ang number one na hindi dapat mangyari."

Abangan ang nalalapit na pagtatapos ng Ang Dalawang Mrs. Real, weeknights after My Destiny, sa GMA Telebabad.