TV

Love scene nina Andrea at Mikael, dapat abangan sa 'Ang Lihim ni Annasandra'

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Tatlong beses nang nagtambal ang Kapuso love team na sina Andrea Torres at Mikael Daez. Pero ayon sa bida ng Ang Lihim ng Annasandra na si Andrea, mayroon pa palang bagong aabangan sa kanilang tambalan sa nasabing Afternoon Prime soap.

Kuwento nga ni Andrea, halos lahat ng firsts niya sa showbiz ay kasama niya si Mikael tulad ng kanyang first show na Sana’y Ikaw Na Nga. Aniya, “Ang ganda lang na mayroon pa rin akong mga firsts na nase-share with him .”

Mayroon pa raw dumagdag sa listahan ni Andrea. “Tapos bukod pa roon, recently lang, [ay] ginawa namin 'yung first love scene namin,” pahayag ng aktres.

Dagdag pa niya, “Dati kasi sa love scene sa first soap namin, parang daya lang siya eh. Kiss tapos magfe-fade na."

Idinetalye sa amin ni Andrea ang love scene na kailangang abangan ng viewers. “Ito talagang love scene, talagang ang haba niya tapos bawat part [ay] ipinapakita. So kaming dalawa, sobra kaming kinabahan. Bago mag-eksena, talagang kabadong-kabado kami tapos dasal kami nang dasal,” saad ng Ang Lihim ni Annasandra star.

Kung ikukumpara raw sa kanilang previous projects, malaki na raw ang ipinagbago ni Mikael. Kuwento ni Andrea, “Dito kasi, siyempre first na mas daring kaming dalawa. So talagang todo alalay siya sa 'kin ngayon.”

Linaw ni Andrea, kahit daw mayroong lalabas na love scene nila ni Mikael ay sinigurado pa rin ng kanilang direkor na si Albert Langitan na wholesome ang pagkakakuha sa eksena.

“Ang maganda sa Ang Lihim ni Annasandra, kahit na sexy siya, kahit na sinasabi namin na mas nag-mature 'yung love team namin, puwede pa rin siya roon sa mga sumusuporta sa 'ming mga bata,” ani Andrea.