TV

Glydel Mercado, napapagalitan na ni Tonton Gutierrez sa sobrang pagpapapayat

By AL KENDRICK NOGUERA
PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Kung ang problema ng ibang mag-asawa ay ang pagdagdag ng timbang 'di kalaunan, ibahin ninyo ang mag-asawang Glydel Mercado at Tonton Gutierrez. Napakapayat kasi ngayon ng Ang Lihim ni Annasandra star na si Glydel kaya’t napapagalitan na raw siya ng kanyang asawa.

“Galit na galit [si Tonton] kasi sabi niya wala na akong mayakap kung ‘di puro buto. Buto-buto na raw ako. Anorexic na raw ang dating. Hindi naman eh. Kumakain naman ako pero hindi talaga ganoong ka-full,” pahayag ng aktres.

Kuwento ni Glydel, kaya raw nagagalit si Tonton ay dahil mas payat pa siya ngayon kaysa noong dalaga pa siya. Aniya, “Actually noong dalaga ako, 110 lbs talaga ako. Tapos noong nag-release ako sa first baby ko, naging 160 lbs hanggang 120 lbs lang. Tapos noong second baby ko, hanggang 140 lbs ako during delivery tapos ngayon ako pumayat ng 98 lbs. Ang pinakamapayat ko is 93 lbs siguro mga three months ago.”

Ayon kay Glydel, hindi naman niya talaga planong magpapayat. “Siguro may mga nangyaring hindi maganda kaya siguro parang hindi ako masyadong nakakakain dahil na-stress ako,” saad niya.

Pero bukod sa stress, naging cause rin daw ng pagpayat niya ang juice na iniinom ngayon. Ani Glydel, “Five greens juice. Natutunan ko siya from a Chinese friend mga seven years ago. So 'yun ang ginagawa niya. Akala ko 30 plus lang siya noon 'yun pala 54 na siya.”

Mula raw noon ay sinimulan na ni Glydel ang pag-inom nito. “So one glass lang siya. Pagkagising ko, alam na nilang need ko 'yon. Nakahanda na siya. So 'yon 'yung inumin ko tapos magwa-water. That's the usual,” anang Ang Lihim ni Annasandra star.

Dagdag pa niya, “Mahina akong kumain kasi pagkainom ko noon, parang busog na busog na talaga ako.”

Masaya naman ba si Glydel sa pagiging payat? “Well yes kasi parang lahat ng gustong kong isuot [ay] naisusuot ko na. 'Yon nga lang ang nagiging problema ko, sa kids sizes na ako namimili,” sagot ng aktres.