TV

Mona Louise Rey, masayang makatrabaho ang bidang aso sa Telebabad show



Isa na namang obra ang nagsimula ngayong linggo, ang pinakabagong telefantasya ng GMA, ang  Aso ni San Roque.  Starring Mona Louise Rey, ang child actress na ating kinagilawan at minahal sa Munting Heredera at sa unang yugto ng Luna Blanca, tiyak na kakaiba na namang pagganap ang gagawin ni Mona sa kanyang latest project.
 
Sa press launch ng Aso ni San Roque, nakapanayam ng GMANetwork.com ang child wonder na si Mona Louise Rey.
 
“Ako po dito si Fatima, isang bulag na bata na mawawalay sa magulang ko. Magkakaron po sya ng aso na tagapagbantay na ipinadala ng langit. Yung aso nya po ang maga-guide sa kanya.” Tuloy pa ni Mona, masaya siyang ka-trabaho ang bida ng soap—si Anghel, ang aso ni San Roque.
 
“Masaya naman po at saka magaling po sya, madali po sya matuto at di po sya nangangagat,” ang natutuwang kwento ni cute nating bida.
 
Nabanggit din niya na naging madali na ang adjustment at preparation niya sa show dahil sa mahilig at may mga alaga din syang aso sa tunay na buhay.
 
“'Yung mga pets ko makukulit. 'Yung unang una pong bigay sa akin na dog ni Mark Anthony Fernandez (co-star niya sa Munting Heredera), isang Pomeranian kinagat ako [giggles].” Pero parang balewala lang sa kanya ito at iginiit pa na playful lang daw talaga ang kanyang mga alaga. Kaya naman hindi nakapagtataka na madali niyang nagagampanan ang character ni Fatima dahil bukod sa mahilig siya sa aso, subok na din ang pagiging child actress ni Mona Louise Rey.
 
Samahan natin sina Fatima at Anghel sa kanilang mga adventures sa  Aso ni San Roque, gabi-gabi sa GMA Telebabad. – Loretta Ramirez, GMANetwork.com