TV

Yasser Marta thanks Laurice Guillen for her guidance in 'Bilangin ang Bituin sa Langit'

By Aaron Brennt Eusebio

Aminado ang aktor na si Yasser Marta na nanibago siya noong nagsisimula pa lamang ang lock-in taping ng Bilangin ang Bituin sa Langit noong October 2020.

Natigil ng ilang buwan ang produksyon ng show dahil sa umiiral community quarantine.

"Ang hirap sa unang una kasi sa physical appearance, nung buong lockdown, ang haba ng buhok ko tapos nag-gain ako ng weight kasi siyempre, nasa bahay lang tayo," Yasser shared in an exclusive interview with GMAnetwork.com.

"Tapos sa emotional naman, last minute ko na talaga inaral, e, sa script talaga ako nagbe-base.

"Tapos 'yung first two days, nagkaroon ako ng adjustment period."

Dahil nanibago siya sa kanyang karakter na si Jun sa Bilangin ang Bituin sa Langit matapos ang ilang buwan nang hindi pagte-taping, agad siyang tinulungan ng beteranong direktor na programa na si Laurice Guillen upang magampanan niya nang maayos ang kanyang karakter.

Kuwento ni Yasser, "Kami na ni Direk Laurice 'yung nag-usap nang mabuti kung paano talaga gagawin and talagang 'yung dalawang araw na 'yun, 'yung pagpukpok niya sa akin, 'yung mga sermon na inabot ko, medyo sobra sobra."

"Kaya nakuha ko naman agad, nakapag-adjust naman ako agad-agad."

Kahit na madalas napagsasabihan ni Direk Laurice si Yasser, hindi niya ito minamasama lalo na't alam niya na marami siyang matututunan dito.

Aniya, "'Yung sermon ni Direk Laurice, I take it as a lesson talaga. Everytime na may sinasabi niya sa akin, kailangan mong to read between the lines talaga, malalalim 'yung mga sinasabi ni direk."

"Pero isa talaga siya sa naghubog ng role ni Jun, kaya laking pasasalamat ko kay Direk Laurice."

Tingnan ang mga nangyari sa 'lock-in taping' ng Bilangin ang Bituin sa Langit dito:

Bukod kay Direk Laurice, malaki rin ang pasasalamat ni Yasser sa kanyang co-stars, lalong lalo na sa mga batikang aktres na sina Mylene Dizon at Ina Feleo.

"Hindi ko magagawang i-portray si Jun kung sa akin lang manggagaling," pag-amin ni Yasser.

"Hindi ko magagawa 'yun kung hindi dahil sa kanila.

"Siyempre si Ate Mylene, isa 'yan sa pinaka magaling na aktres, lalo ngayon.

"Once na tinitigan mo siya, hindi siya selfish, talagang nagbibigay din siya ng emosyon niya at hindi ka niya pababayaan.

"Same thing din with Ate Ina, 'yung naging relationship namin as mother and son, talagang off-cam, on-cam, hindi nagbabago 'yung.

"'Pag may mabibigat kaming scene, hinahawakan niya ako at sasabihin niyang, 'Yas, ilabas mo lang, ilabas mo lang palagi.'

"After no'n, wala na, magbe-breakdown na ako, iiyak na ako."

Bukod kina Mylene at Ina, marami ding natutunan si Yasser kay Zoren Legaspi, ang tumatayo niyang tatay sa programa na isa ring direktor.

"Sobrang laking pasasalamat ko sa mga co-actors ko, kay Direk Zoren, sobrang daming tinuro sa akin ni Direk Zoren," dagdag ni Yasser.

"From the technical side, the angle of the camera, being gifted as a natural actor to cinematic actor, araw-araw naming pinag-uusapan at humihingi ako ng feedback at constructive criticism.

Dagdag pa ni Yasser, hindi siya tinuring na baguhan sa industriya ng kanyang mga kasamahan kaya mas lalo siyang nagpursige na matuto.

Saad niya, "Sobrang laki ng pasasalamat ko sa project na 'to kasi hindi nila ako ginawang baguhan sa industriya. Hindi ganun 'yung tingin nila sa akin."

"Hindi nila ako pinabayaan, 'yun lang 'yung masasabi ko. Hindi nila ako pinabayaan na gawin kung ano lang 'yung sakin.

"Kaya hindi ko mabubuo si Jun kung hindi dahil sa mga taong kasama ko sa show na 'to."

Mapapanood ang Bilangin ang Bituin sa Langit tuwing Lunes hanggang Biyernes sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng Prima Donnas.