TV

David Remo on Binoy Henyo: 'Kalma lang!'


Si David Remo ang batang aantig sa ating mga puso sa Binoy Henyo. Siya ang magbibigay buhay sa pagkatao ni Binoy, ang bibong bibo, matalino at masayahing anak ni Agnes na gagampanan ni Sheena Halili.

Nagkaroon ng pagkakataon makapanayam ng GMANetwork.com ang bagong Kapuso child star.

Binigyan kami ng sample ni David sa kanyang linya sa Binoy Henyo. Ito ay ang pagtatanggol niya sa best friend niyang si Len-len (Angel Satsumi).

“Huwag niyo inaaway si Len-len. Isusumbong ko kayo kay Teacher Josie pag hindi niyo tinigilan si Len-len. Len-len, kalma lang!”

Nakakatuwa na sa murang edad ni David, alam na niya na hindi dapat gawin ng kahit sino ang mang-api ng kapwa, “kasi po nambu-bully po sila, nang-aaway po sila. Huwag kayo nambu-bully. Masama iyon,” paalala niya.

Nang tanungin kung nabully na siya in real life, “Opo,” ang sagot niya.

Nagkuwento pa siya tungkol dito. “Sabi po, huwag niyo isali iyan [si David Remo]. Krung, krung iyan.” Bagamat nakaranas din ng pambu-bully si David, hindi pa rin siya nakakalimot kung ano ang tama at dapat gawin ng isang batang tulad niya.

Napansin din namin ang closeness ni David kay Sheena Halili, ang aktres na gumaganap na Agnes, ang mommy ni Binoy. Napapasunod din kasi ni Sheena kaagad si David na parang tunay na mommy.

“Kapag may nambully po kay Ate Sheena, 'di po ako papayag na may mang-aaway kay Ate Sheena. Kasi, nanay ko po siya.” Pagtatanggol ni David sa kinikilala niyang mommy.

Halatang tuwang-tuwa si David sa set ng Binoy Henyo.“Kapag ka-tape ko po silang lahat sobrang saya po,” kuwento niya. Kaya siguro, ganuon na lang ang kanyang pagka-hyper at pagka-excited sa bago niyang palabas.

Tulad ni David, bibong bibo din si Ryzza Mae Dizon. Nais din ba ni David na makatrabaho siya? “Gusto ko rin pong makatrabaho si Ryzza Mae kasi magaling po siya. Ewan ko po kung kailan kami pupunta sa show nila, kay Aling Maliit po.”

Sa pagtatapos ng aming interview, may munting paalala ang ating matalinong bida.“Dapat lang po kumalma lang.”

Bakit kailangang kumalma lang? “kasi po iyon po iyong nagrerelax.”

At kung may mang-away sa kanya ano ang kanyang sasabihin sa kanila? “Kalma lang!”

Panuorin ang bago nating bibong Kapuso na si David Remo bilang Binoy sa Binoy Henyo, Lunes hanggang Biyernes bago mag-24 Oras. -- Text by Eunicia Mediodia, GMANetwork.com.