TV

Binoy at Agnes, mapaghihiwalay nga ba ni Emily?


Sa kagustuhan ni Emily na magkaroon ng anak, makakaisip ito ng paraan para makuha si Binoy kay Agnes. Tatanggapin kaya ni Agnes ang alok ni Emily at tuluyan nang iwan si Binoy?

Ito ang naging sentro ng Week 3 ng family-oriented drama series na Binoy Henyo. Nakumpirma na ni Francis na buhay ang dating kasintahang si Agnes, kaya gagawin niya ang lahat para mahanap ito. Mabubuko si Francis ni Emily na hinahanap nga niya si Agnes nang makita ng huli ang kwintas sa loob ng jacket ng asawa. Walang nagawa si Francis kundi aminin kay Emily ang katotohanan. Masasaktan si Emily sa nalaman at lalo itong gaganahan sa kanyang mga plano.

Patuloy na dadalaw siya kina Agnes at Binoy at pakikitaan ng mabuti ang mag-ina. Kakausapin niya si Agnes and she offers her to work abroad para mabigyan ng magandang buhay si Binoy. Gulat man sa proposal ni Emily ay pag-iisipan ito ni Agnes, lalo na't ang kinabukasan ng kanyang pinakamamahal na anak ang nakasalalay dito. Matatanggal si Agnes sa trabaho niya sa ukay-ukay, pero bahagi ito ng plano ni Emily para maipit si Agnes. Dahil dito ay mamumroblema si Agnes sa mga gastusin sa bahay. Malalaman ito ni Binoy kaya gagawa siya ng paraan para makatulong.

Sa isang hindi inaasahang pagkakataon naman ay magkukrus ang landas nina Francis at Binoy. Naglalakad pauwi sina Binoy at Len-len nang mapadaan sila sa isang construction site. Ililigtas ni Binoy si Len-len mula sa papatumbang scaffolding, ngunit siya naman ang matatamaan nito. Sakto namang mapapadaan si Francis at maililigtas si Binoy. Magbobonding ang dalawa at ihahatid ni Francis si Binoy sa bahay nito. Ngunit hindi makikita ni Francis si Agnes, kaya hindi pa rin niya alam na anak niya si Binoy.

Samantala, magdedesisyon na si Agnes na tanggapin ang inaalok na trabaho ni Emily sa New Zealand. Malalaman ito ni Binoy at malulungkot ang bata. Ipapaliwanag ito ng maigi ni Agnes sa anak, at maiintindihan naman din niya ito.

Sasali naman sina Binoy at Len-len sa isang contest sa TV at mapapanood ito nina Francis at Emily. Malalaman ni Emily na nagkita na ang mag-ama kaya lalo itong kakabahan na baka malaman ni Francis na si Binoy ang anak niya kay Agnes. Pagbabawalan niya ang asawa na bumalik sa lugar nina Agnes dahil baka mapahamak daw ito.

Susundin kaya ni Francis ang asawa? Aalis pa kaya si Agnes pagkatapos magpaalam sa anak? Ano pa kaya ang gagawin ni Emily para ilayo si Francis sa kanyang mag-ina, at mapasakanya si Binoy?

Alamin ang mga susunod na mangyayari sa Binoy Henyo, weekdays bago mag-24 Oras. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com