
May special role si Kapuso actress Carla Abellana sa upcoming full action series na Black Rider.
Gaganap siya bilang teacher na si Becky na maho-hostage ng isang grupo ng sindikato kasama ang kanyang mga batang estudyante.
"Maraming pagdadaanan 'yung role ko bilang teacher. Gagawin niya 'yung best niya na protektahan 'yung tatlong estudyante niya. Magkakaroon ng mga engkuwentro, madaming action scenes," kuwento ni Carla tungkol sa kanyang mga eksena.
Dahil sa tindi ng action scenes kung saan makakaranas siya ng sampal, suntok, tadyak, at marami pang iba, hindi napigilang magkaroon siya ng ilang minor injuries.
Lalo raw siyang napahanga sa trabahong iginugugol ng cast ng Black Rider sa serye.
"Parte po ng trabaho talaga na magkakaroon ka ng mga bruises or scratches or even injuries. Kung ako nga po ay nakapag-guest nang napakaikli lang po, kahit papano may mga ganitong occupational hazards, paano pa 'yung regular cast 'di ba? It just comes to show na hindi po biro 'yung trabaho. Seryoso po sila, passionaate sila sa trabaho nila. Pinaghuhusayan nilang lahat kaya intense kung intense. Doon makikita siyempre 'yung pagka-action-packed ng show na Black Rider," lahad ni Carla.
Nagkaroon din si Carla ng pagkakataong makatrabaho ang lead star ng serye na si primetime action hero Ruru Madrid.
Kahit sa maikling panahon nila bilang co-stars, nakita kaagad ni Carla ang kapuri-puring work ethic nito.
"Napaka-professional. Magalang siya, he's respectful. Of course, 'ate' 'yung tawag niya sa akin. Maalalay siya. Kahit busy siya sa mga eksena niya, sa mga linya niya, 'yung blocking niya, he makes sure na okay ka lang, kumportable ka," paglalarawan niya kay Ruru.
Image Source: carlaangeline (Instagram)
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Bukod kay Ruru, bahagi rin ng serye sina Matteo Guidicelli, Yassi Pressman, Katrina Halili at marami pang iba.
SILIPIN ANG STAR-STUDDED CAST NG BLACK RIDER DITO:
Abangan ang Black Rider, magsisimula na sa November 6 sa GMA Telebabad.
Panoorin din sa video sa itaas ang buong ulat ni Cata Tibayan para sa 24 Oras.