
Ibinahagi ni primetime action hero Ruru Madrid ang mga dapat abangan sa susunod na episodes ng full action series na Black Rider.
Ayon sa aktor, mas marami pa raw maaksiyong eksena ang maaasahan sa programa lalo na at lumiliit na ang mundo ng karakter niyang si Elias at ng sindikatong Golden Scorpion.
"I'm really looking forward sa magiging reaksiyon po ng ating mga Kapuso, lalo na 'yung episode po simula mamayang gabi at sa mga susunod pa pong mga araw ay talagang matindi at kapapanabik," pahayag ni Ruru.
Bukod sa action scenes, puno rin daw ng mga nakakaantig at nakakatawang mga storyline ang serye.
"Ang kagandahan kasi sa Black Rider, hindi lang siya basta sarado sa isang genre lang," bahagi niya.
Isa na raw sa magdadala ng light-hearted moments ang tambalan ng komedyanteng si Empoy Marquez at ni beauty queen and actress Herlene Budol.
"Ang kanilang love team name ay KaOre, dahil Oka and Pretty [ang characters names nila]. Kakaiba 'yung chemistry nilang dalawa. Kapag pinagsama mo, parang matatawa ka na agad. Siyempre, sila 'yung talagang mahuhusay na komedyante," papuri ni Ruru sa co-stars.
Image Source: herlene_budol (Instagram)
Masaya naman si Matteo Guidicelli na mainit ang pagtanggap ng mga manonood sa kanilang show.
"The show is doing well. It's going very well. Everday it's becoming more and more action-packed. I think the whole team is trying to provide a good action series for everybody out there. They're delivering," lahad ni Matteo.
Asahan naman daw ang lalo pang paglawak ng kuwento ng Black Rider, ayon kay Yassi Pressman.
"Dahan dahan, lalo pong lumalawak 'yung kuwento namin kaya nakaka-excite po. Marami kaming mga pupuntahan na iba-iba pa pong mga lugar. Sobrang excited po akong ma-shoot na rin po 'yun soon," ani Yassi.
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Sumama sa biyahe ng full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 9:40 p.m.
Maari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.
Panoorin ang buong ulat ni Aubey Carampel para sa 24 Oras sa video sa itaas.