
Maraming malalaking rebelasyon ang matutunghayan sa bagong yugto ng full action series na Black Rider.
Isa sa pinakaaabangan diyan ay ang resulta ng DNA test nina Elias Guerrero (Ruru Madrid) at Señor Edgardo Magallanes (Raymond Bagatsing).
Tama nga ba ang hinala ni Edgardo na si Elias ang bunga ng pagmamahalan nila ni Alma (Rio Locsin) noon sa Cebu?
Ipagtatapat na rin ni Hugo (Archie Adamos) kay Edgardo ang katotohanan sa likod ng malagim na Palangga Massacre--bagay na nagbibigkis sa mga buhay nina Elias at Calvin (Jon Lucas).
Lalo namang nilalamon ng galit si Calvin ngayong nanganganib ang posisyon niya bilang tagapagmana ng Golden Scorpion.
Samantala, patuloy ang pagtugis ng mag-ama kay Black Rider habang lingid sa kanilang kaalaman na malaki ang posibilidad na kadugo nila ito.
Paano haharapin nina Elias, Edgardo, at Calvin ang buhol-buhol na kapalaran nilang tatlo?