TV

Haharap sa bagong digmaan si Elias sa 'Black Rider'

By Marah Ruiz

Puputok ang isang bagong digmaan sa top rating full action series na Black Rider!

Sa pagbagsak ng Golden Scorpion, aakalain ni Elias Guerrero (Ruru Madrid) na magiging tahimik na ang kanyang buhay.

Pero hindi pa tapos ang kanyang laban dahil madudungisan ang magandang reputasyon ng bayani ng lansangan na si Black Rider dala ng lingkisan nina Rebecca Chen (Almira Muhlach) at Senator William Romero (Roi Vinzon).

Anong bagong panganib ang hatid kay Elias ng alyansa ng lider ng cartel mula sa China at ng corrupt at ambisyosong pulitikong ito?

Mabubunyag din ang isang matinding lihim na mag-uugnay kina Senator William at Bane (Yassi Pressman).

Samantala, makikilala rin ni Elias si Nimfa, ang simpleng tindera ng pinya na gagampanan ni Vivamax star Angeli Khang. Ito ang unang television drama ni Angeli na nauna nang sumikat sa mga for streaming na pelikula.

Mas makikilala na rin ng mga manonood sina Sonny (Epy Quizon), ang hari ng selda na kinalulugmukan nina Edgardo Magallanes (Raymond Bagatsing), at ang mapanakit na tiyuhin ni Elias at kapatid ni Alma (Rio Locsin) na si Jojo (William Lorenzo).

Dapat ding abangan ang mga bagong karakter na mas magbibigay pa ng kulay sa istorya tulad nina Matet de Leon bilang Belen, Madam Inutz bilang Gina, Yul Servo bilang Vice President Rosales, Lianne Valentin bilang Sister Grace, Luke Conde bilang William at BJ Forbes bilang Mario.

Hindi rin dapat ma-miss ang crossover ng dalawang programang nangunguna sa ratings dahil tatawid ang kuwento ng Black Rider sa GMA Afternoon Prime hit series na Abot-Kamay na Pangarap. Bakit kaya kakailanganin ni Elias at ng henyong si Doc Analyn (Jillian Ward) ang tulong ng isa't isa?

Huwag palampasin ang bagong digmaan na haharapin ni Elias sa mga parating na episodes ng 2024 New York Festivals Bronze medalist na Black Rider!

Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.

Kapit lang sa mas suwabe, mas maangas at mas kapanapanabik na bagong yugto ng full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.

May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 9:40 p.m.

Maaari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.