TV

Betong Sumaya’s Comedy 101


Masaya tayo tuwing napapanood natin sila, kaya’t madaling isipin na palagi rin silang masaya. Ang totoo, hindi ganoon kadali ang pagiging komedyante.

Inamin ito ni Albert Sumaya Jr., o mas kilala bilang Betong, na gumaganap bilang Antonietta, ang mataray na taga-okray ng mga telenovela sa Bubble Gang. Ikinuwento niya sa GMANetwork.com ang ilan sa challenges na kanyang hinaharap.

Aspiring comedians, take note.

Memorization
Nakakabilib man ang mabilis at tuloy-tuloy na pagbigkas ni Betong ng mga linya ni Antonietta, ikinuwento niya na nakakailang take bago niya makuha ito nang tama.

“Pinakamatinding challenge for me ay ‘yung magkabisa ng lines. Sobra, as in. Iba kasi eh. Technical kasi si Antonietta (so) pag nakalimutan mo ‘yung isang word, pwedeng mawala ka na eh. Dire-diretso. Ang haba ng mga linya nun eh,” aniya.

Timing
Nadiskubre ni Betong na isa sa pinaka-importanteng bahagi ng pagpapatawa ay ang paghanap ng tamang timing. Kapag nasabi mo ang isang linya nang mas maaga o kung ito’y mahuli nang konti, iba na ang puwedeng maging epekto nito.

“Timing din ng pagbato mo ng joke. Sometimes kasi, magiging effective siya kung tama ‘yung oras. Hindi mo lang basta sinasabi. Kunwari kailangan mong mag-pause, o kaya dire-diretso,” paliwanag niya.

Reinvention
Dahil competitive din ang showbiz, sinabi ni Betong na hindi puwedeng pare-pareho lang ang nakikita ng mga manonood. Mahalaga na i-reinvent ng mga artista ang kanilang sarili para hindi nakakasawa, at mas maraming tao ang mapasaya. “Challenge for me kung paano pananatilihin yung reinvention. Kailangan ‘yun eh… Kailangan makaisip ka ng bagong reinvention ng character mo,” sabi niya.

Para kay Betong, kahanga-hanga ang ginagawa ng kanyang idol, kaibigan at co-star na si Michael V. “Si Kuya Bitoy, napakagaling niya. Hindi nauubusan. ‘Yung characters niya, distinct (from one another) eh. Si Tata Lino, iba kay Mr. Assimo. Ang galing-galing niya,” kuwento niya.

Work vs. personal life
Tulad ng lahat, nagkakaroon din ng mga araw na off ang mood ng mga komedyante. Para kay Betong, ang pag-iwan ng personal na problema habang nagtatrabaho ay isang craft na kailangang matutuhan ng lahat.

“Kapag oras ng trabaho, kailangan mong iwanan ‘yung personal problems. Parang ang hirap nga lang kasi sa amin, kailangan magpatawa. So ang sagot lang dyan ay iwan mo muna sandali, for the meantime, ‘yung problema. Iwan mo muna ng five minutes, saka mo i-deal after,” aniya.

Marami mang pagsubok pero sobra-sobra ang pagmamahal ni Betong para sa kanyang trabaho. Bihira lang ang pagkakataon na binigay sa kanya kaya’t sinisigurado niyang binibigay niya ang lahat sa bawat eksena at project.

Panoorin ang nakakatawa at nakakatuwang si Betong tuwing Biyernes ng gabi, sa Bubble Gang.

-- Text by Meryl Ligunas, GMANetwork.com