TV

Paano nagbubuo ng sketch at gags sina Direk Michael V. at Caesar Cosme ngayong may pandemya?

By Aedrianne Acar

Naka-one-on-one ng multi-awarded Kapuso documentarist na si Howie Severino ang creative forces ng longest-running Kapuso gag show na Bubble Gang sa kanyang podcast.

Dito tinalakay nina creative director Michael V. at head writer/ director Caesar Cosme kung paano nagbago ang atake nila sa paggawa ng mga patok at viral sketches at gags ng show ngayong nasa gitna pa rin tayo ng pandemya.

Sa pagtatanong ni Howie, inusisa nito ang Bubble Gang pioneer at kapwa COVID-19 survivor na si Michael V., kung naging maingat ba sila sa paggawa ng comedy lalo ganito ang sitwasyon sa bansa.

Pag-amin ni Direk Bitoy, “Para sa akin nadagdagan 'yung materyal, 'yung topics na puwede mong gawan ng comedy dahil nga rito sa pandemya. Pero at the same time, parang sensitive pa rin 'yung mga issue na 'yun. So hindi pa basta-basta puwedeng gawan ng script as far as comedy is concern.”

Dagdag ng award-winning comedian, “'Yung ibang aspeto ng pandemya puwede. Pero like marami nang gumagawa ngayon 'yun, e. Pero mayroon pa ring ibang mga sensitive aspect nito.”

Kinailangan din daw nilang mag-adapt sa health protocols na ini-implement ng GMA-7 sa proteksyon ng lahat ng artista at empleyado ng network kaya sinabi nito na nag-suffer daw ang presentation nila sa gag show.

Saad niya, “So 'yun ang opinyon ko na as far as pagpapatawa, hindi naman naapektuhan. Pero 'yung the way you present it, 'yun ang medyo nag-suffer. Like for example itong mga TV show, medyo nag-suffer talaga sa presentation nu'ng comedy materials namin.”

Hindi rin naitago ni Direk Caesar Cosme na nahihirapan siya sa kasalukuyang sitwasyon natin na kailangang mag-social distancing at manatili sa bahay, para maiwasan tamaan ng COVID-19.

Kuwento niya kay Howie, “Kaya nga medyo 'yung kanina 'yung tanong mo, hirap ako. Hindi ko sila masyadong maramdaman. Ano 'yung nararamdaman nu'ng ini-imagine kong kinakusap sa TV screen?”

Pagbabalik-tanaw ni Direk Caesar na bago tumama ang COVID-19 sa bansa noong Marso 2020, “Dati kasi I practice riding the bus, public transpo, nagta-tricycle ka kahit once a month para sabi ko makita ko at maamoy ko 'yung aking mga kinakausap. Hindi ko siya magawa.”

Pagpapatuloy niya, “At the same time, maraming fears. Alam ko nararamdaman sila pero hindi ko 'yun ma-validate, hindi ko 'yun masiguro kung tama 'yung pakiramdam ko kasi hindi ko sila nakikita, e.”

“Plus, at the same time, overall dahil hindi mo naman nakikita itong virus, hindi ka talaga sigurado, 'Ano bang nangyayari sa paligid, 'di ba?' You can only conclude, deduce, whatever in your imagination scientifically o kung anuman,” dagdag pa niya.

Nakakatawang hirit pa nito, “Mahirap magpatawa ng naka-face shield. Sabi ko.”

Balikan ang buong panayam nina Direk Michael V. at Direk Caesar Cosme sa The Howie Severino podcast below.

Kilalanin ang ilan sa mga graduates ng Kapuso gag show sa gallery below!