TV

Analyn Barro at Faye Lorenzo, inalala ang naging tulong ng 'Bubble Gang' sa kanilang career

By Aedrianne Acar

Hindi magsasawa ang Kapuso comediennes na sina Analyn Barro at Faye Lorenzo na sabihing napakalaking bahagi ang Bubble Gang ng kanilang showbiz career.

Matatandaang graduate si Analyn ng sixth season ng StarStruck at napanood na rin siya sa ilang teleserye tulad ng Asawa Ko, Karibal Ko (2018) at Hanggang sa Dulo ng Buhay Ko (2018), at First Yaya (2021). Kasalukuyan siyang napanood sa First Lady, ang primetime series na pinagbibidahan nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion na sequel ng First Yaya.

Ayon sa Sparkle actress ng makapanayam ng GMANetwork.com last week, sinabi nito na nakilala siya ng mga tao sa tulong ng Bubble Gang.

Pagbabahagi niya, “Kasi sa lahat ng naging shows ko, ito talaga 'yung super tumatak sa akin and ito talaga 'yung parang unang show na nanganak ng iba't iba pang show.

“Kasi marami rin bumabati sa akin, kapag kunwari 'pag nagma-mall ako, kahit hindi nila alam 'yung name ko.

“Parang ang daming bumabati na, 'Uy sa Bubble Gang 'yan ah.' So, parang nakatulong talaga siya sa career ko rin.”

Samantala, binansagan naman ng fans si Faye bilang 'viral queen' nang umani ng hindi bababa sa 30 million views ang sketch nila ng long-time Kababol na si Archie Alemania noong 2020.

Kuwento ni Faye sa GMANetwork.com, "binago" ng Bubble Gang ang kanyang buhay na nagbukas ng maraming opportunity para sa tulad niyang baguhan.

Aniya, “Siyempre, I'm beyond grateful, kasi kasama pa rin ako sa Bubble Gang, hanggang ngayon, kasi ang Bubble talaga ang unang door na nagbukas sa akin simula nung pumasok ako sa GMA, kaya sobrang nagpapasalamat ako na part pa rin ako ng Bubble Gang. Kasi, sobrang daming blessing talaga.

“Dito nagbago 'yung buhay ko, simula noong na nag-Bubble Gang ako.”

Tingnan ang ilan sa sexiest photos ng Bubble Gang babes na sina Analyn Barro at Faye Lorenzo sa galleries below: