TV

Tuesday Vargas, na-intimidate kay Michael V.?

By Aedrianne Acar

Saludo ang comedienne, host, and singer na si Tuesday Vargas sa kaniyang co-star sa Bubble Gang si Michael V.

Bukod sa pioneer ng Kapuso gag show si Direk Bitoy, tumatayo rin siyang creative director ng flagship program na ito ng GMA Network.

Sa exclusive chat ng GMANetwork.com kay Tuesday kahapon, May 20, nakikita niya na marami silang similarities ni Bitoy, lalo na at pareho sila galing sa humble beginnings.

Paliwanag ng Kapuso comedienne, “I have so much admiration for him, not just as a performer, but as a creative person. Kasi nga, 'yung mga sagot niya sa interview actually marami kaming similarities like we come from humble beginnings na mga batang makukulit na likas na nagkaroon ng pagkakataon na gawin ito for a living.”

“Tsaka Manila Science rin si Bitoy, so may mukha kami sa hallway ng eskuwelahan [laughs]," kuwento ni Tuesday.

Aminado rin ang newest Kababol na hindi raw niya minsan maiwasan na ma-intimidate sa tuwing kasama ang award-winning Kapuso comedian.

Ani Tuesday, “Nakaka-proud na ayan, katabi mo lang siya, tapos kabatuhan mo ng linya. Talagang siya 'yung flagbearer ng show and it's very hard not to feel intimidated, 'pag kasama mo siya, kasi nga naman siyempre si Kuya Bitoy 'yun.

“Pero ako as much as I can naka-focus talaga ako sa trabaho, tsaka 'yung samahan ng grupo, kasi pag comedy show talaga very-very important 'yung camaraderie sa set.”

Bukod kay Tuesday, inanunsyo rin na magiging parte na rin ng Bubble Gang sina Kim de Leon, Faith Da Silva, at Dasuri Choi na tiyak aabangan n'yo tuwing Biyernes ng gabi.

Exciting rin ang mangyayari sa upcoming relaunch ng Kapuso gag show sa May 27.

Hindi rin nakalimutan pasalamatan ng singer-comedienne ang lahat ng bumubuo ng Bubble Gang at sa tiwala na ibinigay sa kanila para mapabilang sa longest-running gag show.

“Una sa lahat gusto ko magpasalamat noh sa bumubuo ng Bubble Gang, kasi ang palabas na 'to, mas matanda pa sa anak ko, so talagang napakataas ng respeto ko sa lahat ng mga writer, lahat ng nasa production at 'yung nagbigay ng tiwala sa amin para maging bahagi nga nung cast.”