TV

EXCLUSIVE: Bakit kinakabahan si Dennis Trillo sa tuwing kaeksena niya si Dingdong Dantes sa 'Cain at Abel?'

By Michelle Caligan

Pagkatapos ng maraming taon, muling magkakasama ang dalawang hari ng Kapuso network, ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes at Drama King na si Dennis Trillo, sa isang teleserye, ang Cain at Abel. Mapapanood na ito simula Lunes, November 19.

LOOK: At the media launch of 'Cain at Abel'

Ayon kay Dennis Trillo, hindi niya maiwasang makaramdam ng nerbyos kapag kaeksena niya si Dingdong.

"Kasi kapag katrabaho mo ang isang tao na tinitingala mo, idolo mo, para sa akin hindi mawawala 'yung nerbyos. Nandoon na rin ang pressure siyempre, idol ko 'yun eh."

Dagdag pa niya, "Pero hindi ko hinahayaan na makaapekto sa akin 'yun in a negative way. Kahit kinakabahan ako, composed pa rin akong naitatawid ang mga eksenang kailangan naming gawin."

Ayon pa sa aktor, marami na raw ang nagbago kay Dong mula nang huli silang nagkatrabaho sa Endless Love noong 2010.

Aniya, "Ibang level na ang Dingdong Dantes ngayon eh. Daming awards na rin na napanalunan, marami na ring magagandang pelikula na nagawa, so siguro doon sa span ng ilang taon na hindi kami nagkasama, talagang marami na ang nag-iba sa kanya."

READ: Dingdong Dantes says timing is perfect to work with Dennis Trillo for 'Cain at Abel'

"Sa acting, parang mas naging malalim, director na rin siya. Mas maalam na rin siya sa lahat ng aspekto ng pelikula at TV kaya mas masarap siyang katrabaho, marami akong natututunan sa kanya. Excited ako every time na nagkakaroon kami ng eksena."


Abangan ang Cain at Abel ngayong Lunes na, November 19, pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.