TV

Ang pag-ibig ni Yago para kay Carmela


Ang pag-ibig ang pinakamasayang pakiramdam sa mundo, pero hindi maikakailang komplikado rin ito, lalo na kapag maraming hindi sang-ayon rito. Mas mabigat pa kapag ang mismong pamilya mo ang makakalaban mo para lamang ipaglaban ang iyong pag-ibig. Kahit anong mangyari, ipaglalaban ko si Carmela.

Nitong mga nakaraang araw, hindi biro ang pinagdaanan niya. Sobra na ang galit ng pamilya ko kina Carmela at lalo na kay Ms. Amanda dahil sa nangyari kay lola. Nakita kong magkaaway sila ni Ms. Amanda at naitulak si lola sa building, pero hindi sapat ang nakita ko para malaman kung aksidente ba ang nangyari o hindi.

Gayunpaman, idinidiin ng pamilya ko si Ms. Amanda, lalo na si Ma. Sa aming lahat, siya ang pinaka apektado sa nangyari. Desidido talaga siyang bigyan ng hustisya ang pagkamatay ni lola. Maging ako, hindi ko pa lubusang matanggap ang nangyari pero kailangan kong maging matatag para sa aking sarili at sa aking pamilya.

Ilang beses nang tinakot ni lolo sina Carmela at Ms. Amanda. Ilang beses na ring nailagay sa kapahamakan ang kanilang buhay, pero kahit may takot ay hindi sila natitinag. Napakatapang na babae ni Carmela. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ako humahanga sa kanya, kung bakit napamahal na ako sa kanya.

Iba na talaga ang nararamdaman ko para kay Carmela. Lagi ko siyang inaalala. Lagi kong iniisip kung maayos siya at kung kailangan niya ng tulong. Masisisi ba ako kung ayaw kong pakawalan si Carmela? Kung Hari lamang ako, matagal ko nang pinasunod si Carmela sa gusto ko. Ilalayo ko si Carmela sa Sta. Maria at sa aking pamilya.

Ngunit ayon kay Carmela, hindi ako Hari at kaya na niyang pangalagaan ang kanyang sarili. Inamin ko sa kanya na kung kaya niya ang kanyang sarili, hindi ko kaya. Hindi ko kayang hindi siya makita. Takot ako. Hindi ako kasing tapang o lakas niya. Duwag ako, dahil mahal na mahal ko si Carmela.

Hindi na ako nag-isip. Tinignan ko si Carmela, ang pinakamaganda sa aking mga mata. Hinawakan ko ang kanyang mukha at hinalikan ang kanyang labi. Magkahawak ang aming mga kamay sa hindi malilimutang sandaling ito.

Habang nangyayari ito, parang kaming dalawa lang ang tao sa mundo. Nawala ang mga problema at lahat ng aking mga inaalala. Napuno ng kasiyahan ang aking puso. Ganito pala ang pag-ibig. Sana ganito rin ang nadarama ni Carmela, ngunit natigilan siya. Tinanong ko siya kung may problema ba. Sinabi niyang katulad din ako ng aking lolo at ng aking pamilya.

Kailangan ko na bang tanggapin na hindi talaga kami puwede ni Carmela dahil ayaw ng pamilya namin sa isa’t isa? Sa tingin ko, kagaya ni Carmela ay magiging matapang ako. Paninindigan ko ang nararamdaman ko. Hindi ako susuko para sa pag-ibig ko kay Carmela.