TV

Top 7 most kilig Carmela and Yago moments


Kakaiba ang kilig na dala nina Carmela at Yago sa mga manonood dahil hindi kagaya ng ibang on-screen couples, walang relasyon sina Carmela at Yago. Gayunpaman, napakaraming mga sandaling nagpapatunay na para sila sa isa’t isa.

Narito ang top 7 na pinaka nakakakilig na moments nina Carmela at Yago:

1. Ang unang pagkikita nina Carmela at Yago sa LRT

Problemado si Carmela dahil napakaraming tumatakbo sa kanyang isipan. Nariyan ang matrikulang hindi pa niya nababayaran at nariyan din ang pangungulila niya sa kanyang mga magulang. Nakatulog si Carmela sa tren, at pagkagising niya, nakaharap sa kanya ang mukha ni Yago. Nagkatitigan sila ng ilang segundo at doon pa lamang, may chemistry na. Naunang bumaba sa tren si Carmela. Sinundan siya ng tingin ni Yago at napansing naiwan niya ang kanyang ballpen. Ang pagbabalik ni Yago ng ballpen kay Carmela ang naging simula ng kanilang magandang pagkakaibigan.

2. Ang pagbibigay ni Yago ng friendship bracelet kay Carmela

Natuwa si Yago nang makita muli si Carmela sa MRT station. Isang friendship bracelet ang ibinigay kaagad ni Yago kay Carmela. Nagtaka naman si Yago nang bigla siyang yayain ni Carmela palabas ng MRT station. Itinanong ni Carmela kung sinusundan ba siya ni Yago at kung may gusto ba ito sa kanya. Ang sabi ni Yago, pareho lamang sila ng istasyong binababaan. Tinanong ni Yago kung maaari silang maging magkaibigan, at pumayag naman si Carmela.

3. Ang pagtitinda ni Yago sa palengke para tulungan si Carmela

Binastos ng dalawang lalaki si Carmela at laking gulat niya nang ipagtanggol siya ni Yago. Mabuti na lamang at naawat ng isang professor ang mga lalaki dahil napagtulungan nila si Yago. Dito sila magkakasundo na maging magkaibigan. Isasama niya si Yago sa palengke at doon ay magtitinda si Yago para tulungan si Carmela.

Maabutan ni Carmela na nagtitinda ng gulay si Yago. Maya-maya pa ay ibinili ni Yago sina Linggit, Sabel at Bambam ng popsicle. Saka niya maaalala ang sinabi ni Lola Wagay na hindi pinaplano ang magmahal.

4. Ang araw-araw na paghatid ni Yago kay Carmela sa munisipyo

Nang magkita na sa Sta. Maria sina Carmela at Yago, nalaman ni Yago na sa opisina ng kanyang Lolo Fernando nagta-trabaho si Carmela. Nagtiyaga siyang araw-araw na puntahan si Carmela sa kanyang tinutuluyan upang ihatid siya sa munisipyo. Magkaangkas sila sa kanyang motor at mahigpit ang kapit sa kanya ni Carmela. Bago pumasok sa opisina ay nakasanayan na rin nilang kumain ng fishballs. Ito ang kanilang cute at nakakakilig na bonding.

5. Ang pagiging crying shoulder ni Yago kay Carmela

Tuwing may problema si Carmela, laging nandiyan si Yago para damayan siya. Sa kanyang pinakamatinding breakdown, sinama ni Yago si Carmela sa isang tahimik na lugar, malapit sa mga puno at bukid. Dito, inilabas ni Carmela ang kanyang kalungkutan at sama ng loob. Ipinaalam niya kay Yago na gusto niyang maghiganti laban kay Fernando dahil sa pagsira nito sa kanyang pamilya. Kahit lolo ni Yago si Fernando, hindi ito naging dahilan para iwasan niya si Carmela. Inalo pa niya si Carmela sa kanyang pag-iyak at pinakinggan ang kanyang mga saloobin.

6. Ang pag-aalaga ni Yago kay Carmela sa ospital

Binaril ni Fernando si Carmela at sa pangyayaring ito, nalaman ni Yago ang tunay na katauhan ng babaeng kanyang pinakamamahal. Kahit kalaban ng kanyang pamilya ang pamilya ni Carmela, hindi niya iniwan ang dalaga. Nandoon siya sa buong pamamalagi ni Carmela sa ospital. Inalagaan niya si Carmela at pinagaan ang loob nito.

7. Ang first kiss nina Carmela at Yago

Itinanong naman ni Yago kung importante ba para kay Carmela ang mga nadarama niya. Laging iniisip ni Yago kung maayos siya at kung kailangan niya ng tulong. Masisisi ba siya kung ayaw niyang pakawalan si Carmela? Idinagdag ni Yago na kung Hari lamang siya, matagal na niyang pinasunod si Carmela sa gusto niya. Ilalayo niya si Carmela sa lugar na iyon at sa pamilya Torres.

Dito na nagkatinginan sa mata sina Carmela at Yago. Matapos ng nakakakilig na pangyayaring ito, unti-unting inilapit ni Yago ang mukha niya kay Carmela at hinalikan ang pinakamagandang babae sa mundong ibabaw. Magkahawak ng kamay ang dalawa habang naghahalikan at kitang kita ang pagmamahal ng dalawang karakter para sa isa’t isa.

Siguradong mas marami pang mga kilig moments sina Carmela at Yago sa mga susunod na episodes. Tumutok lang sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw gabi-gabi pagkatapos ng Kambal Sirena sa GMA Telebabad.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com