TV

Ngayong nasambit na ni Carmela ang 'Mahal kita'...



Sa wakas ay nasambit din ni Carmela ang hindi niya maamin kay Yago -- at sa kanyang sarili.

Akala dati ni Yago ay maririnig na niya ang mga salitang iyon nang una niyang hagkan si Carmela, subalit kumawala ang dalaga sa kanyang mga bisig. Naalala kasi ni Carmela ang tangkang panghahalay ni Fernando, ang lolo ni Yago at kanyang mortal na kaaway, sa kanya.

“Takot kang magmahal ng isang katulad ko,” sinabi noon ni Yago, na nagpaisip kay Carmela.

Maraming humahadlang sa pag-iibigan nina Carmela at Yago. Nariyan ang kanilang mga pamilya, ang kanilang estado sa buhay, maging ang kanilang magkalayong edad. Gayumpaman, hindi pinili ni Yago na sumuko kaya isang malaking hakbang ang kanyang ginawa.

Nang abutan ni Yago na nag-aaway sina Yolly at Carmela, inawat niya ang dalawa at isinakay si Carmela sa kanyang kotse. Ang buong akala ni Carmela ay ihahatid siya ni Yago sa kanyang pupuntahan, ngunit hindi pala ito ang plano ng binata.



Gulat na gulat si Carmela nang sinabi ni Yago na tatakas sila para magtanan. Nagtungo sila sa bahay ng tiyahin ni JP na si Aling Cely.
Tahimik at malayong lugar ito na malapit sa beach. Nagalit si Carmela kay Yago dahil sapilitan siyang dinala doon. Nilagyan pa siya ni Yago ng posas para siguradong hindi siya umalis.



Dinala ni Yago si Carmela sa beach at doon, nakapag-usap sila tungkol sa maraming bagay. Tila silang dalawa lamang ang tao sa mundo dahil walang ibang gumugulo sa kanila o sa kanilang mga isipan. Muling sinabi ni Yago kay Carmela na mahal na mahal niya ito. Inulit-ulit ito ni Yago, ngunit hindi pa rin masabi ni Carmela kay Yago ang tunay niyang nararamdaman.



Gayumpaman, alam ni Yago na mahal rin siya ni Carmela. Lalong pinatunayan ni Yago ang kanyang pagmamahal kay Carmela nang halikan niya ang dalaga. Hinalikan din siya ni Carmela. Para kay Yago, sapat na sa kanyang ipinapakita ni Carmela ang kanyang pagmamahal.



Pagkatapos nito ay pinakawalan na ni Yago si Carmela sa pagkakaposas nito. Ayon sa kanya, na kay Carmela na ang desisyon kung mananatili siya o kung iiwan niya si Yago. Kinaumagahan, kinabahan si Yago at inakalang iniwanan na siya ni Carmela dahil hindi niya mahanap ito. Iyon pala, hinahanda lang ni Carmela ang almusal ni Yago.

Naputol ang masayang eksena nang dumating si JP para sabihin na maaaring alam ni Dante kung nasaan sila. Nang tatakas na sina Carmela, Yago at JP ay naabutan sila ni Dante at ng mga tauhan nito. Pilit niyang pinaghiwalay sina Carmela at Yago. Pagkatapos nito ay binugbog ni Dante si Yago.



Sa sobrang pagkakabugbog ay nawalan ng malay si Yago. Tumigil si Dante sa pambubugbog nang sabihin ni Carmela na galit siya sa ginawa ni Dante. Pinakawalan ng mga tao ni Dante si Carmela at agad siyang lumapit kay Yago. Niyakap niya ang binata at pilit na ginigising.

Ngayon ay sinasambit na ni Carmela nang paulit-ulit ang mga katagang dati ay hindi niya mabitiwan – na mahal na mahal niya din ang binata. Subalit hindi ito narinig ng duguang si Yago.

Nang magkamalay na si Yago ay inilayo siya ng mga tao ni Dante kay Carmela. Wala nang nagawa si Carmela kung hindi umiyak.



Saan hahantong ang pag-iibigan nina Carmela at Yago ngayong pilit silang pinaghihiwalay?

Malalaman pa kaya ni Yago na mahal din siya ni Carmela ngayong may masama ring mangyayari kay Carmela? Magkikita pa kaya sila muli ni Yago?

Alamin ang susunod na pangyayari sa kuwento ng pag-ibig nina Carmela at Yago. Huwag palampasin ang Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw mamaya pagkatapos ng Kambal Sirena sa GMA Telebabad.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com