TV

Ang pagtatanan nina Yago at Carmela


Wala nang makapipigil sa nararamdaman ko para kay Carmela. Hindi na ako magpapadala sa mga sinasabi ng iba. Kahit pa tutol ang aming pamilya sa amin, kahit pa magkaiba ang aming estado sa buhay at magkalayo kami ng edad, buong puso kong ipagsisigawan na mahal ko si Carmela.

Ngayon, pakikinggan ko na ang aking puso. Mayroon akong plano para sa amin ni Carmela. Tatakas ako sa amin at itatanan ko si Carmela.

Dala-dala ang aking maleta, umalis kami ni JP para hanapin si Carmela. Naabutan naming sina Yolly at Carmela na nag-aaway. Inawat naming sila at agad kong isinakay si Carmela sa kotse. Ang sabi ko sa kanya ay ihahatid ko siya sa pupuntahan niya, pero nagtaka siya nang lumampas kami sa dapat niyang pupuntahan.

Niyakap ko si Carmela at sinabing itatanan ko na siya. Gulat na gulat si Carmela sa sinabi ko. Ang cute nga niya, pinalo-palo pa niya ako sa balikat. Para siyang bata. Isa siguro iyan sa maraming dahilan kung bakit mahal ko si Carmela.

Patuloy na nag-drive si JP patungo sa bahay ng kanyang tiyahin na si Aling Cely. Tahimik at malayong lugar ito na malapit sa beach. Sakto lang ang pagka-romantic ng lugar. Bumaba kami sa kotse at pinosasan ko si Carmela. Naasar siya. Ang kapal ko daw. Well, wala na siyang magagawa. She’s stuck with me.

Nakakatawa na kinagat pa niya ako sa kamay. Ang sakit, nagdugo nga. Mas nakakatawa na nag-alala siya nang makita niyang dumugo ang sugat. Humingi pa siya ng gamot kay Aling Cely para gamutin ang sugat ko. Kunwari pang walang pakialam si Carmela, iyon naman pala concerned din siya sa akin.

Dinala ko si Carmela sa beach at doon, nakapag-usap kami tungkol sa maraming bagay. Tila kaming dalawa lamang ang tao sa mundo dahil walang ibang gumugulo sa amin at sa mga isipan namin. Tiningnan ko si Carmela sa kanyang magandang mga mata at muling sinabing mahal na mahal ko siya. Inulit-ulit ko ito, ngunit hindi pa rin masabi ni Carmela na mahal niya rin ako.

Nararamdaman ko na may pagmamahal siya sa akin. Hindi na niya kailangang sabihin dahil naipapakita naman niya. Sapat na sa akin na alam ko ito. Gusto ko na lamang patunayan na tunay ang nararamdaman ko para sa kanya.

Hinawakan ko ang mukha ni Carmela at unti-unting lumapit para halikan ang kanyang matamis na mga labi. Sa halik ni Carmela, napanatag ako. Ako na yata ang pinakamasayang tao sa buong mundo sa mga sandaling iyon, ngunit lahat ng sandali ay natatapos.

Pinakawalan ko na si Carmela sa pagkakaposas nito. Na kay Carmela na ang desisyon kung mananatili siya o kung iiwan niya ako, pero sana ay huwag siyang lumisan. Handa na akong tanggapin ano man ang maging desisyon niya.

Kinaumagahan, napuno ng kaba ang aking puso. Hindi ko makita si Carmela. Inakala kong iniwanan na niya ako. Iyon pala, hinahanda lang niya ang almusal namin. Nabunutan ako ng tinik sa dibdib.

Naputol ang masayang eksena nang dumating si JP para sabihin na maaaring alam ni Uncle Dante kung nasaan kami. Nang tatakas na kami ay naabutan kami ni Uncle Dante at ng mga tauhan niya. Pilit niya kaming pinaghihiwalay ni Carmela. Hindi ako nagpatinag. Kahit ilang beses akong suntukin ni Uncle Dante, ipaglalaban ko ang pag-iibigan namin ni Carmela.

Ang huling suntok niya ang pinakamalakas. Nagdilim ang aking paningin. Bago ako tuluyang nawalan ng malay, si Carmela pa rin ang inaalala ko. Sana ay hindi nila siya saktan. Sana ay maging ligtas siya.

Nagising na lang ako sa ospital. Medyo disoriented ako. Naroon si JP na nagbabantay sa akin. Tinanong ko siya kung ano ang nangyari at kung nasaan si Carmela. Ayon sa kanya, inilayo siya ni Uncle Dante matapos ako mawalan ng malay. Wala akong tiwala kay Uncle Dante. Baka kung ano ang gawin niya kay Carmela.

Sinikap kong bumangon, pero hindi ko pa kaya. Sinabihan ako ni JP na huwag mag-alala dahil mahal daw ako ni Carmela. Sinabi daw ito ni Carmela nang mawalan ako ng malay. Natuwa talaga ako. Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahan, pero sa kabilang banda, hindi ako mapanatag dahil hindi ko alam kung nasaan si Carmela at kung ano na ang nangyari sa kanya.

Masama ang kutob ko. Hahanapin ko siya. Mahahanap ko siya at hindi magtatagal, magasasama rin kami. Ipinapangako ko iyan.