TV

Harap-harapan na bang mag-aaminan ng pag-iibigan sina Carmela at Yago?


Matinding pagsubok ang nagdaan sa magandang pagsasamahan nina Carmela at Yago. Muli silang pinaghiwalay ng tadhana nang mabugbog ni Yago si Dante at mabundol ng sasakyan si Carmela. Sa tulong ni Zaldy, nagkausap sa telepono ang dalawa habang nasa magkahiwalay na ospital. Malapit na ba silang magkita?

Tila gumaan ang pakiramdam ni Yago nang marinig niya ang boses ni Carmela sa telepono. Ipinaalam ni Carmela na mabuti ang kanyang kalagayan, at ganoon din naman si Yago. Hindi na makapaghintay si Yago na makipagkita kay Carmela. Nang tanungin niya kung nasaan ang dalaga, biglang pumasok sa kuwarto ni Carmela si Amanda at napilitan siyang ibaba ang telepono.

Hindi man narinig ni Amanda ang usapan, alam niyang si Yago ang kausap ni Carmela. Pinangaralan ni Amanda ang kanyang anak. Idiniin niya na may mga bagay talaga sa mundo na hindi puwedeng mangyari, katulad ng ugnayan nina Carmela at Yago. Mahal man ni Carmela si Yago, nakiusap si Amanda na kalimutan na niya ang binata dahil walang magandang maidudulot ang kanilang pagsasama. Umiyak na lamang si Carmela.

Samantala, pinabugbog ni Fernando si Dante dahil sa ginawa nitong pananakit kay Yago. Pagkatapos nito, kinausap ni Trixie si Dante. Nakipagkasundo siya na tutulungan niyang mapunta kay Dante si Carmela.

Pagkalabas ni Carmela sa ospital, naaubutan nila ni Amanda sa kanilang bahay si Trixie. Palalayasin na sana ni Amanda si Trixie nang mahinahong sinabi nito na gusto lang niyang makausap si Carmela. Nagulat si Carmela nang pakiusapan siya ni Trixie na kausapin si Yago. Bilang ina, hindi matiis ni Trixie na makitang pinababayaan ni Yago ang kanyang pag-aaral at mga prayoridad sa buhay dahil kay Carmela.

Naantig si Carmela sa mga sinabi ni Trixie at pumayag siyang makipag-usap kay Yago. Sa kanilang pag-uusap, gagawin ba ni Carmela ang pinagagawa sa kanya ni Trixie o aamin na siya ng harap-harapan kay Yago na mahal niya ito?

Abangan ang mga pangyayari mamaya sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw pagkatapos ng Kambal Sirena sa GMA Telebabad.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com