TV

Ang bagong yugto sa buhay ni Yago


Kung may isang taong makakapag-convince sa akin na gumawa ng isang malaking hakbang sa aking buhay, si Carmela iyon. Kaya naman nang dalawin niya ako sa ospital at nakiusap siya, pinakinggan ko siya. Biglaan ang mga bagay na hinihiling niya sa akin pero alam kong gusto lang niya ang makakabuti sa akin. 

Biniro ko si Carmela na okay naman pala na nabugbog ako kasi mas binibigyan niya ako ng atensyon. Natawa siya, pero biglang naging seryoso nang tumingin siya sa mga mata ko. Sabi niya, magmula ngayon ay kailangan ko nang unahin ang sarili ko. Gusto niyang ipagpatuloy ko ang pag-aaral ko at hindi raw ako makaka-focus kung lagi kaming magkasama. Handa raw siyang maghintay para sa akin hanggang sa pagka-graduate ko.

Paano kung suyuin siya ni Uncle Dante habang wala ako? Natatakot akong mawala si Carmela sa akin. Napawi lahat ng takot ko nang sabihin sa akin ni Carmela na para sa akin lang ang kanyang puso. Hindi ako makapaniwalang sinabi niya iyon. Ang sarap pakinggan. Pinaulit ko ito sa kanya. Hindi lang iyon ang sinabi niya. Nangako si Carmela na hihintayin niya ako dahil mahal na mahal niya ako.

Sa sandaling iyon, ako na ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Wala na akong hihingin pa dahil mahal na mahal ko rin siya. Hinalikan ko ang matamis na labi ni Carmela. Sigurado akong siya ang mahal ko ngayon, at siya lang ang mamahalin ko habang buhay.

Pagkalabas ko ng ospital, ipinaalam ko agad kay Mama ang balak ko. She was very happy for me. Sabi niya, I made the right decision. Nirequest ko lang sa kanya na tumira ako mag-isa sa bahay namin doon dahil gusto kong maranasang maging independent. Pumayag naman si Mama, pero pinasama niya si Ate Nida para may tumulong sa akin sa mga gawaing bahay kahit paano.

Isang araw makalipas ay umalis na ako papuntang Maynila. Hindi na ako nakapagpaalam ng maayos kay Carmela, pero alam naman niya ito dahil siya mismo ang nagsabi sa aking ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Nanibago ako pagdating ko doon, pero masaya ako dahil alam kong kahit anong mangyari ay magkakasama kami ni Carmela pagkatapos ng lahat ng ito.

Inaya ako ng best friend ko sa Maynila na si Wally. Nang papasok ako sa coffee shop kung saan kami magkikita ay may nabangga ako. Lumingon ako para mag-sorry, pero hindi ko napigilang tumingin sa kanya. Tumingin din siya sa akin. Maganda siya. Matagal kaming nagtitigan bago ako nakapag-sorry. Nag-sorry din siya. Habang umaalis siya ay sinundan ko siya ng tingin.

Kitang kita ni Wally ang nangyari. Tinanong niya ako kung bakit hindi ko hiningi ang number ng babae. Iisa lang ang dahilan: may Carmela na ako at mahal ko siya. Kaya naman nagpadala ako ng sulat kay Carmela. Ikinuwento ko ang mga karanasan ko sa school. Ipinaalam ko na okay naman ako dito, at namimiss ko na siya.Sinusubukan ko ring kontakin si Carmela sa telepono niya pero hindi siya sumasagot. Sana ay okay lang siya.

Noong nag-aaral ako sa library, hindi inaasahang nakita ko ang babaeng nakabangga ko sa coffee shop. Umupo siya sa tabi ko at nagpakilala. Eunice pala ang pangalan niya. Gusto ko sanang makipag-usap pero inaalala ko si Carmela. Umiwas na lang ako at umalis.

Pag-check ko ng cellphone ko ya nakailang tawag si Janine. Tinawagan ko siya. Sabi niya, si Carmela ang tumatawag sa akin gamit ang phone niya. Nagtataka daw si Carmela kung bakit hindi ko siya tinatawagan. Ang sabi ko naman, si Carmela ang hindi ko ma-contact. Kaya naman tinawagan ko siya nang gabing iyon pero hindi parin niya sinagot ang tawag ko.

Hindi ako makatulog dahil sa kakaisip sa kanya. Nang makatulog na ako ay nagkaroon ako ng masamang panaginip. May ibinuburol sa panaginip ko at iyak ako nang iyak. Pakiramdam ko, malapit sa akin ang taong namatay. Ikinuwento ko kay Ate Nida ang nangyari at sabay kaming nagdasal.

Pinuntahan ko na rin si Wally dahil hindi ako makatulog. Hindi ko lubos akalain na nasa lugar na iyon din si Eunice. Aaminin ko, maganda siya at ma-appeal. Walang lalaki na hindi magkakagusto sa kanya, pero taken na ako. Aalis na ako dapat nang lapitan ako ni Eunice. Tinanong niya ako kung puwede ko siya ihatid pauwi. Hindi naman ako makatanggi dahil late na at baka kung anong mangyari sa kanya.

Hindi man kami nagkikita ni Carmela, siya pa rin ang nasa puso ko. Lahat ng pagsubok, iiwasan ko para sa kanya. Sana ay maipagpatuloy ko ito. Sana hawak ko ang oras. Sana ngayon na ang bukas para magkasama na kami ng walang humahadlang sa amin.