TV

Ano ang mga dapat abangan sa finale week ng 'Carmela'?


Lalong tumitindi ang mga pangyayari sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw sa huling linggo nito. Mangyayari kaya ang hiling noon ni Janine na magkasundo na ang kanyang tunay na pamilya at ang kanyang kinalakihang pamilya?

Kasalukuyang nagbabangayan sina Amanda at Trixie. Magmula nang umamin ang nurse at mga doktor kay Dante na si Trixie nga ang may kagagawan sa pagkamatay ni Janine, hindi na natahimik sina Amanda at Carmela.

Sumugod sila sa punerarya upang ipaalam ang katotohanan sa lahat. Hindi akalain ni Fernando na ito pala ang itinatagong sikreto ni Trixie. Maging si Yago ay gulat na gulat sa mga pangyayari. Dahil sa rebelasyong ito, nanghina si Fernando.

Umapila si Trixie at sinubukang ipaliwanag ang nangyari, pero hindi tinanggap ni Amanda ang mga dahilan niya. Umalis na lamang si Trixie kasama ni Yago. Matatanggap pa kaya ni Fernando si Trixie? Tuluyan na bang magkakawatak-watak ang pamilya Torres, katulad ng pagsira ni Fernando noon sa pamilya ni Carmela?

Paano naman kaya ang naudlot na relasyon nina Carmela at Yago? Maibabalik pa ba sa dati?

Ito rin ang tanong ni Alden Richards, na gumaganap bilang Yago. Nakausap namin siya noong last taping day ng Carmela at aniya, “Babalikan pa ba ni Yago si Carmela pagkatapos ng mga nangyari? Parang ang dami na ring nangyari sa buhay ni Yago. Namatay si Janine tapos may mamamatay pang isang taong importante sa kanya, so ano ba ang magiging stand niya dito? Itutuloy ba niya ang pagmamahal niya o mas pipiliin na lang niyang lumayo?”

Ayon naman sa Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera, dapat abangan ng lahat kung paninindigan ni Carmela ang mga sinabi niya kay Yago.

Huwag palampasin ang huling linggo ng Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw, pagkatapos ng Kambal Sirena sa GMA Telebabad.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com