TV

Ano ang mayroon si Marian Rivera na hindi nakita ni Alden Richards sa iba?


Huling Huwebes na ng kinagigiliwang GMA Telebabad series na Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw. Marami ang kinikilig kina Carmela at Yago at umaasang magkakatuluyan sila.

Sa nalalapit na pagtatapos nito, ano ang mamimiss ni Alden Richards sa drama series? Higit sa lahat, mamimiss ba niya ang kanyang leading lady na si Kapuso Primetime Queen, Marian Rivera?

Bumisita ang 24 Oras sa set ng Carmela noong last taping day nito. Sa panayam ni Alden kay Lhar Santiago, nabanggit niya na nagkaroon siya ng realization na ayaw niyang matapos ang show.

Aniya, “Gusto mo, tuloy-tuloy lang. Hindi kumpleto iyong linggo nang walang taping. Pamilya na kasi kami."

Hinding-hindi malilimutan ni Alden ang mga karanasan niya sa Carmela, lalong lalo na dahil nagbigay-daan ang teleseryeng ito para makapartner niya si Marian Rivera. Dream come true ito para kay Alden at lalo siyang humanga kay Marian nang makatrabaho niya ito.

Wika niya, “Sa lahat ng so far naging leading lady ko, siya lang iyong masayahin kahit anong oras. Hindi ko nakita iyon sa iba. Masasabi ko na si Yan ang nagiging buhay ng set namin every taping. Iyon ang mamimiss ko kasi wala akong nakatrabaho na may attitude kagaya ng kay Marian.”

Pagkatapos ng Carmela ay magkakasama muli sina Marian at Alden sa isang show sa States. Humiling ng isang linggong bakasyon si Alden bago bumalik sa kanyang iba pang mga proyekto. Magkakaroon siya ng independent film kasama si Aljur Abrenica. May isa pa siyang upcoming independent film kasama naman ang Kapuso actresses na sina Max Collins at LJ Reyes.

Samantala, magkakaroon ng bagong programa ang Kapuso Primetime Queen ngayong Hunyo kung saan ibang klaseng Marian Rivera ang matutunghayan ng lahat, kaya dapat abangan.

Para makatanggap ng updates, mag-log on lamang sa www.GMANetwork.com.

-Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com