TV

Krystal Reyes, magbabago ng image sa ‘Carmela’


Isa sa sumikat na child stars ng Kapuso network si Krystal Reyes.

Napanood natin siya bilang cute at inosenteng bata sa Bakekang at Mga Mata ni Anghelita, hanggang sa naging mahusay na teen actress siya sa Anna KareNina.
Ngayon, ibang Krystal na ang ating makikita sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw.

Pagbabahagi ng Kapuso young actress, “Sobrang iba po talaga ‘yung binigay nila sa akin na role. 17 years old lang po ako sa totoong buhay pero sa script, 20 years old po ako dapat.”

Gaganap si Krystal Reyes bilang Janine, ang nakababatang kapatid ni Carmela. Ani Krystal, “Hindi ako mabait dito, pero hindi rin ako salbahe. Sosyal kasi ‘yung character. Spoiled siya sa tatay niya at lumaki siyang mayaman, so ganun ‘yung kinalakihan niyang paligid. Medyo maldita nang kaunti.”

Matatandaan na sa nakaraang roles ni Krystal ay lagi siyang mabait at inaapi. Paano kaya naghahanda si Krystal sa kanyang kakaibang karakter?

“Ang sinusubukan ko pong baguhin ay ‘yung boses ko kasi sobrang pambata po, eh mature na po ‘yung role ko. Nagpapapayat din po ako,” tugon niya.

Hindi rin itinanggi ni Krystal na nakakaramdam siya ng matinding pressure dahil bigatin ang mga kasabayan niya sa show.

“Bilang kapatid ako ni Marian Rivera dito, siyempre po nakakatakot at nakakakaba. Ang dami ko pong nararamdaman kasi hindi ko pa rin po nakakaeksena si Ate Yan. ‘Pag nakikita ko siya, nasa-starstruck pa rin ako,” pagbabahagi ng aktres.

Kahit kabado, excited na raw si Krystal na bigyang buhay ang kanyang karakter dahil complex ang pagkatao nito.

“Gusto ko pong makita kung paano iikot ‘yung character [ko]. Kasi po di ba, half-sister siya ni Carmela na nahiwalay at bunga ng pananamantala. Gusto ko pong malaman kung paano tatanggapin ni Janine na ganun siya bilang lumaki nga siyang mayaman at komportable ang buhay. Sana mabigyan ko ng hustisya ‘yung role,” ani Krystal.

Abangan si Krystal Reyes bilang Janine sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw simula January 27 sa GMA Telebabad.

- Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com