TV

Ano ang kapalarang naghihintay kay Carmela?


Noong nakaraang linggo, natunghayan natin ang kuwento ni Carmela- kung paano nagkakilala ang kanyang mga magulang at kung paano siya nawalay sa piling ng kanyang inang si Amanda. Ngayong dalaga na si Carmela, magkikita pa kaya sila ni Amanda? Matatagpuan din kaya niya ang tunay na pag-ibig?

Sa unang dalawang episodes, ipinakilala ang katauhan ni Amanda. May dalawa siyang nunal sa balikat na dahilan umano ng kanyang kamalasan sa buhay. Dahil sa kanyang ganda, naakit niya ang mayamang si Fernando. Muntik na siyang pagsamantalahan nito ngunit hindi natuloy.

Nagbago ang lahat nang mapulot ni Amanda ang kanyang lucky coin. Dahil dito, nakilala niya si Danilo. Kahit hindi nakakapagsalita at nakakarinig si Danilo ay napakabait niya. Iibig si Amanda sa kanya at 'di kalaunan ay nagsama na sila.

Hindi akalain ni Amanda na si Fernando at ang kanyang asawang si Fides ang kumupkop kay Danilo at nagbigay ng rice mill business dito matapos mamatay ng kanyang mga magulang. Napilitang makisama si Amanda kay Fernando alang alang kay Danilo.

Ikinasal sina Amanda at Danilo, at si Carmela ang kanilang anak. Katulad ni Amanda, may nunal din sa balikat si Carmela. Napuno ng kasiyahan ang buhay nila, ngunit hindi ito nagtagal dahil nasagasaan ng tren si Danilo at namatay. Pinlano ni Fernando ito. Hindi niya alam na nakita ni Nida ang lahat.

Pagkamatay ni Danilo, tuloy pa rin sa pagkayod si Amanda para buhayin si Carmela. Hindi naiwasang kapusin siya sa pera, kaya humingi siya ng tulong kay Fides. Hindi siya pinansin nito. Nang kay Fernando siya lumapit ay ginahasa siya nito. Para depensahan ang sarili, nasaksak niya si Fernando.

Nakulong si Amanda, habang nakakaligtas si Fernando mula sa kamatayan. Nalaman ni Amanda na nagdadalang-tao siya. Nang mabalitaan ito nina Fernando at ang kanyang kumpareng pulis na si Ramon, nagbalak sila ng masama kay Amanda.

Laking gulat ng lahat nang makatakas si Amanda. Hindi niya naisama si Carmela. Lumaki si Carmela nang wala si Amanda sa kanyang tabi. Si Lola Wagay ang kumupkop sa kanya. Dahil sa kabutihang ipinakita sa kanya ni Lola Wagay, tutularan niya ito at tutulungan din ni Carmela ang ilang mga batang palaboy.

Dahil sa hirap ng buhay, pagsasabayin ni Carmela ang pag-aaral at pagtatrabaho para mabuhay niya ang pamilya niya. Dahil din sa bagong pamilya ni Carmela, makakaramdam siya ng saya. Pero magbabalik pa rin sa kanya ang alaala ng kanyang ina.

Lahat ng ito ay tumatakbo sa isip ni Carmela habang nakasakay siya sa LRT. Dito niya makakatabi ang isang lalaking guwapo at makisig- si Yago. Kahit mas bata sa kanya si Yago ay hindi maitatangging may kislap na namagitan sa kanila sa sandaling nagkatinginan at nagkatabi sila.

Ano ang magiging papel ni Yago sa buhay ni Carmela? Mahahanap pa kaya ni Carmela si Amanda? Kailan siya makapaghihiganti laban kay Fernando?

Huwag palampasin ang Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw pagkatapos ng Adarna sa GMA Telebabad.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com