TV

Saan hahantong ang pagkakaibigan nina Carmela at Yago?


Noong nakaraang linggo, nasaksihan ang unti-unting paglalapit nina Carmela at Yago sa isa’t isa. Magiging magkaibigan pa rin kaya sila kapag nalaman ni Carmela na lolo ni Yago si Fernando? Pag-ibig o paghihiganti ba ang mananaig?

Kapwa problemado sina Carmela at Yago sa kani-kanilang mga bayarin. Ikinatuwa ni Yago ang balitang dadalawin siya ni Fernando sa Maynila. Bukod sa matagal na niyang hindi nakikita ang kanyang lolo, alam niyang makakatulong ito sa kanya.

Si Carmela naman, hindi malaman ang gagawin nang sabihin sa kanya ng kahera na kulang pa ang perang binayad niya para sa kanyang matrikula. Nabigla siya nang may lumapit sa kanya para punan ang kulang.

Si Yago pala ang nagpuno ng pera na kulang para mabayaran ng buo ang matrikula ni Carmela. Nagpasalamat si Carmela sa kanya pero umiwas kaagad kay Yago. Hindi man lang nagkaroon si Yago ng pagkakataon na makipagkilala kay Carmela.

Nakonsensya naman si Carmela sa pagtrato niya kay Yago. Isang pabor ang maibibigay niya kay Yago bilang ganti sa kabutihan ng binata. Dito na sila magkakakilala nang husto. Madaling nagustuhan ni Yago si Carmela dahil sa kanyang kabutihan.

Nang bastusin ng dalawang lalaki si Carmela, dumating si Yago upang ipagtanggol siya. Dito sila nagkasundo na maging magkaibigan. Isinama ni Carmela si Yago sa palengke at doon ay nagtinda si Yago para tulungan si Carmela.

Ayaw mang aminin ni Carmela sa kanyang sarili ay napalapit na rin siya kay Yago dahil mabait at matulungin ito, hindi katulad ng ibang lalaking nakilala niya. Dahil sa kanilang bumubuting samahan, isang friendship bracelet ang ibinigay ni Yago kay Carmela.

Habang pauwi naman si Carmela ay nabundol ito. Lumabas ang isang tao at doon natigilan si Carmela. Binigyan siya nito ng calling card at inimbitahan na tawagan siya kung may kailangan siyang tulong. Binasa ni Carmela ang calling card at nagmadali na umalis para puntahan ang address ng hotel na nakasulat dito.

Ano ang tunay na katauhan ng taong nakabundol kay Carmela? Anong pagbabago ang maidudulot nito sa kanyang buhay? Tuluyan na kayang mahuhulog ang loob nina Carmela at Yago sa isa’t isa?

Alamin ang mga kasagutan sa mga tanong na ito. Huwag palampasin ang Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw, gabi-gabi pagkatapos ng Adarna sa GMA Telebabad.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com