TV

Ang tawag ng puso ni Yago



Bumalik ako sa Sta. Maria para ayusin ang buhay ko; para humingi ng tulong kay Lolo at bumuti ang lagay naming mag-ina. Hindi ko akalaing napakaraming sikretong bumabalot sa lugar na ito.

Nararamdaman ko na may itinatago sa akin ang aking sariling pamilya. Hindi ko rin maiwasang isipin si Catarina araw-araw. Saan ko ba matatagpuan si Catarina?

Usap-usapan noong nakaraang fiesta ang nakabibighaning babaeng nagpunta sa Bayan. Maging ang Uncle Dante ko ay nahumaling sa ganda ng babaeng ito. Catarina daw ang pangalan niya at ngayon, doon siya nagtratrabaho sa opisina ni Lolo. Is she the same Catarina that I fell for?

I just had to ask Lolo. Napakaliit naman ng mundo kung siya rin iyon, pero siniguro ko na rin. Much to my dismay, itinanggi niyang Catarina Bulaon ang pangalan ng secretary niya. Siguro sobra na lang ‘yung pag-aasam ko na makita si Catarina ulit kaya pakiramdam ko, nandito rin siya.

Nang sumunod na araw, nagulat ako sa naging desisyon ni Lolo. Hindi na daw ako lilipat ng school. Siyempre, ikinatuwa ko ‘yun, kahit pa araw-araw akong back and forth mula Sta. Maria hanggang Manila. Ang hindi ko lang nagustuhan ay ‘yung panghuhusga nina Lolo at Uncle Dante kay Catarina. Kung magsalita sila, parang kilala nila si Catarina. Nawalan tuloy ako ng gana.

Pagpasok ng school, minalas na naman ako. Nagkaroon ng aksidente. Sobra ang traffic. Napilitan akong ihinto ang sasakyan at bumaba. Ang kapal ng usok, pero nang mga sandaling iyon, parang may kakaiba sa hangin. Damang-dama ko talaga na hindi nagkakalayo ang kinaroroonan namin ni Catarina.

Minabuti ko nang dumalaw kina Lola Wagay. Sabi ko sa kanya, araw-araw akong pupunta hanggang sa maawa siya sa akin at sabihin na kung nasaan si Catarina. Ilang araw din akong bumibisita doon.

Isang araw, nakatanggap ako ng tawag mula kay Lola Wagay. Hindi ako handa para sa mga sinabi niya. Nasa Sta. Maria nga si Catarina at hindi lang iyon- kay Lolo talaga siya nagtratrabaho. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hinihiling ni Lola Wagay sa akin na iligtas si Catarina mula kay Mayor Fernando Torres. Ano kaya ang ginawa ni Lolo?

Ang daming mga katanungang bumabalot sa isipan ko. Nadagdagan pa nang makita kong umiiyak si Mama sa kuwarto. Hindi daw niya alam kung paano nagawang lokohin ni Lolo si Lola sa haba ng panahon na magkasama sila. Anak pala talaga ni Lolo si Janine sa ibang babae. Hindi makapaniwala si Mama. Kahit ako, gulong-gulo pero wala nang ibang makakapitan si Mama kung hindi ako kaya’t hindi ko siya iiwanan sa problemang ito kahit may sarili din akong mga problema.

Nang mahimasmasan si Mama, nagtungo ako sa munisipyo para hanapin si Catarina. Kailangan kong malaman ang katotohanan. Bakit nagsinungaling si Lolo sa akin? Bakit hindi rin sinabi ni Catarina na nandito lang siya? Pagdating ko doon, si Lolo lang ang naabutan ko.

Nagmadali akong kunin ang motor ni Uncle Dante at niyaya ko si PJ na samahan ako sa paghahanap ko kay Catarina. Bawat sulok na yata ng Sta. Maria ay niligid namin. Kahit ‘yung isang babaeng nagwi-withdraw sa ATM, pinagkamalan kong si Catarina. Halos maubos na lahat ng pag-asa sa puso ko, hanggang sa lumingon ako. Ilaw ng tadhana ang sumalubong sa akin nang magkatinginan kami ni Catarina.

Ngayong nasagot na ang tawag ng aking puso, masasagot na rin kaya ang mga tanong na bumabagabag sa akin? Kay Catarina ko ba malalaman ang mga kasagutan? Hindi siya umimik, pero nabasa ko sa mga mata niya ang sakit at galit. Ano man ang iniinda niya, nandito lang ako para sa kanya.