TV

READ: Sanya Lopez, kinabahan sa love scenes ng 'Dahil Sa Pag-Ibig'

By Felix Ilaya

Malapit nang mapanood ang pinakamapusok na serye sa GMA Afternoon Prime na Dahil Sa Pag-Ibig.

Sanya Lopez

Present ang lead star ng show na si Sanya Lopez sa ginanap na media conference ng Dahil Sa Pag-Ibig noong Miyerkules, May 15.

Dito, ipinasilip ang ilan sa mga maiinit na eksenang mapapanood sa bagong teleserye.

Ano kaya ang pakiramdam ni Sanya sa tuwing gagawa siya ng love scenes kasama ang kapwa Kapuso actors niyang sina Benjamin Alves at Pancho Magno?

"Hindi naman siguro mawawala 'yung kaba,” sagot ni Sanya.

“Pero every time na mayroon akong love scene, nandoon naman 'yung guys na sumusuporta sa'yo.

"Sinasabi nila kapag kailangan mo ng tulong o may mga limitations ka, sabihin mo lang.

"After naman ng ginawa naming love scene, lagi silang concerned sa 'kin.

“'Yung mga guys namin sinasabi, 'Okay ka lang? Sure ka? Wala namang nangyari sa 'yong masama o feeling mo ba na-harass [ka]?'

"Importante 'yung respect and 'yung control lang sa isa't isa."

Dagdag pa ng aktres na talagang pinaghandaan niya physically ang mga sexy scenes sa Dahil Sa Pag-Ibig.

"Parang 'pag kasama mo yata si Winwyn [Marquez] kailangan mo yata ng abs, e!

"Sila pang tatlo [yung may abs]. Parang kailangan mong i-prepare 'yung sarili mo doon.

"Noong may time pa bago mag-start 'yung Dahil Sa Pag-Ibig, nag-wo-workout na ako.

"Lately, kailangan ko ng bawasan 'yung pagkain ko kasi wala nang time para mag-workout.

“Pero emotionally, physically, ready naman ako," wika ni Sanya.

Abangan sina Sanya, Benjamin, Winwyn, at Pancho sa Dahil Sa Pag-Ibig simula ngayong May 20 na sa GMA Afternoon Prime.