TV

Tonton Gutierrez, nakita ang mabuting resulta ng vaccine sa kanya matapos tamaan ng COVID-19

By Aedrianne Acar

Pinatotohanan ng versatile actor na si Tonton Gutierrez na gumagana at epektibo ang COVID-19 vaccine.

Kamakailan, nagpositibo ang magaling na TV-movie actor sa sakit. Sa kabutihang-palad ay asymptomatic ang asawa ni Glydel Mercado.

Sa idinaos na online media conference kasama ang entertainment press ngayong hapon, October 8, sinabi ni Tonton sa GMANetwork.com na hindi siya ganoon katakot na magka-COVID uli lalo na at fully vaccinated naman siya.

Saad niya, “Of course, everyone hindi lang naman ako, ang natatakot magkaroon ng COVID 'di ba, but the problem was, I was being careful but I still got it na hindi ko alam kung paano. I was looking back kung paano ko na-acquire 'yun.

“Hindi ko maisip or ma-pinpoint kung saan [ko nakuha], at the same time gaya nga ng sinabi ko, the whole family, the whole staff dito sa bahay was negative. So, ako lang.

“Mahirap isipin and 'yung takot will always be there. Being careful should always be with us. 'Yung pananaw, I guess masasabi ko hindi ako masyado takot, because I'm fully vaccinated.

“Gaya nung sinabi ko, thank God the vaccine really works, kumbaga kasi wala ako naramdaman.”

Dagdag niya na mas magiging maingat na lamang siya sa tuwing lalabas tulad ng malapit na uli siya sumabak sa panibagong lock-in taping.

“Papasok uli ako sa lock-in, ganun pa rin naman. I just try to be careful as much as I can pero hanggang dun lang, dahil hindi natin alam kung paano natin ito makukuha.

“We just have to pray that we don't get the virus and kung magkaroon man tayo ng virus na 'yun, sana ay hindi sana tayo umabot sa lumala 'yung sakit. Kumbaga na umabot tayo sa ma-ospital tayo, we just have to be vigilant and we just have to pray.”

Mapapanood sa October 10 ang second episode ng 'It's Not You, It's Me' ng Daig Kayo Ng Lola Ko, kung saan gumaganap si Tonton bilang Homer at asawa naman niya dito si Pokwang na pino-portray si Sunshine.

Tila naging reunion ito para sa dalawa na nagkatrabago sa telefantasya series na Aryana noong 2012.

Ayon sa kanya, napabilib siya sa acting ni Pokwang na mas lumalim pa raw.

Napapalakpak pa nga raw ang staff ng weekly magical anthology sa isang scene ng award-winning comedienne sa husay nito sa isang drama scene ng kanilang episode.

“I would say na mas lumalim siya ngayon. Mas nagiging tense 'yung acting niya.

“Since we have this scene nga na drama, she was very, very good. Nagpalakpakan 'yung crew, 'yung staff pagkatapos ng eksena. I would say mas lumalim siya ngayon. Kasi, siguro I would say she's happier ngayon, kumbaga meron siyang pamilya, meron siyang asawa, meron siyang anak na bago.

“Parang it brings out the best in her.”

Alamin ang mangyayari kina Homer at Sunshine sa Daig Kayo Ng Lola Ko pagkatapos ng 24 Oras Weekend sa oras na 7:00 p.m.

Kilalanin naman ang mga anak nila Tonton at Glydel Mercado sa gallery below.