TV

CONFIRMED: May Alzheimer's si Eugene Domingo sa 'Dear Uge Presents'

By Cara Emmeline Garcia

Sa ikalawang bahagi ng “My Forgettable Love” ng Dear Uge Presents, na-diagnose si Amor (Eugene Domingo) ng Alzheimer's disease, ang sakit na nagdudulot ng unti-unting paghina ng kakayahan niyang makakilala o makaalala.

Dahil dito, hindi mapigilan ni Amor na maging malungkot at kaawaan ang kanyang sarili. Araw-araw na siyang nahihirapan gawin ang gawaing bahay.

Kaya napagdesisyunan ni Migs (Neil Ryan Sese) na manatili sa tabi ni Amor at alagaan siya. Sa pananaw ni Migs, ginagawa niya ang lahat ng ito dahil responsibilidad niya ang kanyang asawa.

Tutol naman si Amor sa desisyon ni Migs na manatili sa kanyang pamamahay. Unang-una, hiwalay na sila at pangalawa, hindi niya kailangan ng tulong.

Pero lahat ng ito ay nagbago nang mapatunayan ni Migs ang kanyang sarili sa kanyang asawa. Sa paglipas ng panahon, unti-unting na ring nagbalik ang pagmamahal nila para sa isa't isa.

Ang Alzheimer's kaya ni Amor ang maging solusyon sa kanilang rocky relationship?

Tunghayan ang ikalawang bahagi ng “My Forgettable Love” ngayong Linggo, August 30, kasama sina Eugene Domingo, Neil Ryan Sese, Candy Pangilinan, at Lotlot de Leon.