TV

Yasser Marta, idolo sina Manilyn Reynes at Kitkat sa comedy

By Jansen Ramos

Feeling lucky ang Kapuso actor na si Yasser Marta nang makatrabaho niya sina Manilyn Reynes at Kitkat sa isang proyekto.

Ngayong Linggo, June 13, mapapanood sila sa fresh episode ng Dear Uge na pinamagatang 'Bagirls.' Tungkol ito sa best friends-turned-rivals na sina Pipay, gagampanan ni Manilyn, at Shonda, gagampanan ni Kitkat.

Bibigyang buhay naman ni Yasser ang papel ni Gabby, ang kanang kamay ng ikatlong "Bagirl" na si Maria Janice.

Espesyal ang proyektong ito para kay Yasser dahil idolo niya sina Manilyn at Kitkat.

"Ilan lang sila sa mga iniidolo ko, simula pagkabata sila na 'yung napapanood ko sa TV kaya nang makatrabaho ko sila ngayon, nakapa-surreal ng moment at para 'kong binalik sa aking childhood kaya napaka-special nitong episode na 'to ng Dear Uge," sambit ni Yasser sa ipinadalang statement sa GMANetwork.com.

Ayon pa kay Yasser, marami siyang natutunan kina Manilyn at Kitkat pagdating sa comedy.

Sabi niya, "Noong nagte-taping kami, ramdam mo 'yung pagiging genuine nila talaga sa mga emosyon nila at hindi pinipili 'yung comedy, lumalabas 'yun na natural, 'yun 'yung napansin ko. Pati ikaw mahahawa ka sa kanila at hindi sila selfish na mga aktres. Sobrang iba 'yung feeling kapag mga beterano talaga 'yung nakakatrabaho mo."

Pinuri din 24-year-old actor ang work ethic ng dalawang komedyante.

Dugtong ni Yasser, "Pagdating sa trabaho, sobrang professional nila, as in, nasa initan kami, nagte-take tapos naka-gown sila at naka-suit ako and napakahaba ng eksena...

"Tuloy pa rin sila, walang reklamo, makikita mo 'yung ngiti sa kanilang mukha. Makikita mo na sobrang nag-e-enjoy sa trabaho nila."

Abangan sina Yasser Marta, Manilyn, at Kitkat sa Dear Uge ngayong Linggo, June 13, 3:45 p.m., pagkatapos ng GMA Blockbuster sa GMA.