TV

'Descendants of the Sun PH' stars, ipinasilip ang kanilang last taping day

By Jansen Ramos

Ipinasilip ng cast ng Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) sa kani-kanilang social media accounts ang huling araw ng kanilang taping ngayong Miyerkoles, September 9.

Nagsimula ang kanilang lock-in shoot noong September 1 at nakatakda sanang magtapos sa darating na Sabado, September 12.

Twelve days ang ibinigay sa kanila upang makuhanan ang lahat ng naiwang eksena noong na-suspindi ang produksyon ng serye sanhi ng COVID-19 community quarantine. Pero base sa social media posts ng ilang cast members, ngayong Miyerkoles opisyal na magtatapos ang kanilang taping na mas maaga ng tatlong araw.

Ika ni "Big Boss" Dingdong Dantes sa kanyang Instagram account, handa na sila para sa "final battle" ng alpha team.


Sa Facebook page naman ni Doc Beauty Jennylyn Mercado, makikita ang selfie nila ni Jon Lucas, na nagbibigay-buhay sa karakter ni SSg Benjo Tamaya a.k.a. Harry Potter. Parehong mina-manage sina Jennylyn at Jon ng talent manager na si Becky Aguila.


Samantala, ipinost ni Rocco Nacino ang huling beses na pagsusuot niya ng kanyang combat uniform para sa kanyang role na si Technical Sgt Diego Ramos o Wolf.


Nagkomento naman ang katambal ni Rocco na si Jasmine Curtis-Smith, gumaganap bilang si Cpt Moira Defensor, sa kanyang post ng isang crying face emoji, na nagpapahiwatig ng kalungkutan ng huli sa pagtatapos ng kanilang taping.

Sa komento ni Jasmine, makikitang nagpahayag ng suporta ang nobya ni Rocco na si Melissa Gohing sa kanilang tambalan ng aktres.

"Proud of you guys," ika ng professional volleyball player.

Matapos mahinto sa pag-ere noong Marso, magbabalik sa telebisyon ang local adaptation ng Descendants of the Sun bago matapos ang taon.