TV

'Descendants of the Sun PH,' magbabalik na sa telebisyon ngayong October 26

By Jansen Ramos

Matapos ang pitong buwan, muling mapapanood ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) sa telebisyon.

Ipapalabas ito simula October 26, 9:15 p.m., pagkatapos ng Encantadia rerun sa GMA Telebabad.

Matatandaang nasuspindi ang produksyon ng serye sanhi ng COVID-19 quarantine, kaya naman natigil din ang pagpapalabas nito sa telebisyon.

Nang ipatupad ang general community quarantine, nagbalik-taping naman ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) para kuhanan ang mga naiwang eksena. Ang cast, staff, at crew ay sumailalim sa isang closed group shoot bilang pag-iingat sa virus.

Sa pagbabalik nito sa telebisyon, muling matutunghayan ang kuwento ng local version ng South Korean drama mula umpisa bilang refresher sa loob ng dalawang linggo.

Nakatakda namang ipalabas ang fresh episodes ng serye sa November 9.

Ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptataion) ay tungkol pag-iibigan ng alpha team leader na si Captain Lucas Manalo at cardiothoracic surgeon na si Doctor Maxine Dela Cruz na sinubok ng giyera at magkaibang pananaw.

Bibigyang-buhay ang mga karakter na ito nina Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Ultimate Star Jennylyn Mercado.

Kasama nila ang award-winning actors na sina Rocco Nacino at Jasmine Curtis-Smith na gaganap naman sa papel nina Technical Sergeant Diego Ramos at Captain Moira Defensor.

Noong Agosto 2019, matatandaang nakipagtulungan ang GMA Entertainment Group sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa tamaang paglalarawan ng buhay sundalo.

Maliban kina Dingdong at Rocco, kabilang sa mga lumahok sa special forces training ng AFP ang mga artistang bubuo sa Alpha Team na sina Jon Lucas, Paul Salas, Lucho Ayala, at Prince Clemente.

Parte rin ng military team ang mga batikang aktor na sina Ricardo Cepeda at Antonio Aquitania.

Samantala, kasama ni Jennylyn sa medical team sina Chariz Solomon, Andre Paras, Renz Fernandez, Nicole Donesa, Reese, Tuazon, at Jenzel Angeles. Mapapanood din bilang doktor si Pancho Magno.

Ipapamalas naman nina Neil Ryan Sese, Ian Ignacio, at Carlo Gonzalez ang pagiging kontrabida sa Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation). Sila ang bubuo sa local terrorist group na PRG.

Muli ring mapapanood sa serye ang pagganap nina Marina Benipayo, Rich Asuncion, Hailey Mendes, at Roi Vinzon.

Noong Setyembre, nakamit ng Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) ang unang international award nito.

Kinilala ang serye ng 15th Seoul International Drama Awards bilang Most Popular Foreign Drama of the Year.

Bukod pa rito, iginawad ng foreign festival kay Dingdong ang Asian Star Prize para sa kanyang pagganap sa Pinoy adaptation ng Descendants of the Sun.