TV

Vilma Santos at Christopher De Leon, nakisaya sa 'Eat Bulaga!'

By Jimboy Napoles

Sorpresang bumisita sa Eat Bulaga! ang mga batikang artista ng industriya na sina Vilma Santos-Recto at Christopher De Leon, ngayong Biyernes, November 10.

Dito ay masayang inimbitahan nina Vilma at Christopher ang mga Kapuso na suportahan ang kanilang comeback movie na When I Met You In Tokyo na isa sa mga kalahok sa 2023 Metro Manila Film Festival sa darating na Disyembre.

Ayon sa Star For All Seasons na si Vilma, simple pero nakaka-in-love ang bago niyang pelikula kasama si Christopher.

Aniya, “A movie that will make you fall in love. Very simple but gusto naming i-touch ang mga puso n'yo na bawat isang tao kayang magmahal ano man ang panahon at ano man ang kasarian.”

Pagbabahagi pa ni Vilma, ang pelikulang ito ay ang magsisilbi niyang pagbabalik big screen matapos ang mahigit sa pitong taon.

“Hindi ako nakagawa ng pelikula for almost seven years, kasi nga nagsilbi muna tayo sa mga taong nagtiwala muna sa atin,” ani Vilma.

Dagdag pa niya, “Noong in-offer ito sa akin and nalaman kong it's going to be with Christopher De Leon and it's going to be a love story sa edad namin, right away ito muna 'yung pinili ko munang gawin.”

Nagpasalamat naman ang Eat Bulaga! host na si Paolo Contis sa pagbisita nina Vilma at Christopher sa kanilang programa.

Aniya, “Maraming maraming salamat. Alam naming busy kayo. Marami kayong puwedeng pag-promote-an na shows pero narito po kayo para makasama kami. It's an honor.”

Bukod dito, game na game rin na naglaro sa segment na “Word of the Rings” sina Vilma at Christopher kung saan nahulaan nila ang tatlong salitang hinahanap. Dito ay nanalo sila ng PhP20,000.

Makakasama naman nina Vilma at Christopher sa nasabing pelikula ang Eat Bulaga host na si Cassy Legaspi, at ang singer-actor na si Darren Espanto.

Tumutok sa Eat Bulaga!, Lunes hanggang Biyernes, 12:00 noon, at tuwing Sabado, 11:30 a.m. sa GMA.