TV

LOOK: Did 'Eat Bulaga' tease about its transfer to new studio?

By Nherz Almo

Ilang Eat Bulaga viewers ang nakapansin ng tila patikim ng programa sa nalalapit na paglipat nito sa bagong studio.

Sa November 23 episode ng longest-running noontime show, isang maiksing video ang ipinalabas matapos ang segment na “Boom.”

Sa video makikita ang batang nagngangalang “Amboy,” na inayang maglaro ng kaniyang dalawang kaibigan.

Pagkatapos nito ay ipinakitang hawak ni Amboy ang dyaryong “Balita Pilipinas” para gawing papel na eroplano. Sa unang pahina makikita ang larawan ng kilalang Eat Bulaga trio na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon. Nakasulat din dito ang headline na, “4 NA DEKADA NG SAYA.”

Sa susunod na eksena, inaya ni Amboy ang mga kaibigan, “Tara, doon tayo. Masaya doon.”

Pinalipad nila ang kanilang mga papel na eroplano at makikita sa frame na dinaanan nito ang isang sign na, “LIPAT-BAHAY.”

Pagkatapos nito ay makikita ang magkakaibigan sa isang tindahan at babatiin nila ang tindera ng, “Bulaga!”

Sa tindahan, makikita ang sign na, “MAS MARAMING SORPRESA DITO.”

Sa susunod na eksena, makikitang naglalaro ang magkakaibigan sa isang playground.

Isa sa mga kaibigan ni Amboy ang nagsabi, “Ang saya naman dito, Amboy.”

Tugon naman ng batang si Amboy, “Kahit nasaan tayo, masaya.”

Matatapos ang tila teaser video sa pagpapalipad ni Amboy ng kaniyang papel na eroplano. Sa susunod na frame, maririnig ang theme song ng Eat Bulaga at mababasa ang, “Higit pa sa isang libo't isang tuwa… Ngayong Pasko at araw-araw sa Eat Bulaga!

Minsan nang inihayag ng big boss ng TAPE Inc. at APT Entertainment na si Tony Tuviera na may planong ilipat sa ibang studio ang Eat Bulaga.

Ayon sa mga balitang lumabas noon, ang establisimyentong tatawaging APT Studios ay isang four-story building na matatagpuan sa Cainta, Rizal.

Narito ang post ng Gruppo Struktura, isang structural engineering firm, na nagpapakita ng diumano'y magiging bagong tahanan ng Eat Bulaga.

Sa loob ng halos apat na dekada, naging tahanan ng Eat Bulaga ang Broadway Centrum sa Quezon City.