TV

READ: Vic Sotto at Maine Mendoza, nagsalita sa paglipat ng 'Eat Bulaga!' sa Rizal

By Aedrianne Acar

Nangako ang Eat Bulaga! pioneer na si Vic Sotto na mas lalong gaganda ang ihahandog ng longest-running noontime show para sa loyal nilang dabarkads

Maine Mendoza and Vic Sotto

LOOK: Dabarkads may pasilip sa blessing ng bagong APT Studios

Ngayong Sabado, December 8, nakatakdang lumipat ang Eat Bulaga! sa bago nitong tahanan, ang APT Studios, sa Marcos Highway, Cainta, Rizal.

Sa loob ng mahigit dalawang dekada, naging tahanan ng Eat Bulaga! ang popular na Broadway Centrum sa Quezon City.

“Lahat kami very excited,” sabi ni Vic nang makausap siya ng GMAnetwork.com at iba pang reporters sa ginanap na media conference ng pelikula nila ni Maine Mendoza sa Metro Manila Film Festival, ang Jack Em Popoy, kahapon, December 6.

Patuloy niya, “Actually, kahapon [December 5] ko lang nakita 'yung kabuuan ng aming bagong tahanan, dun sa blessing.

“At talaga namang pinaghandaang mabuti na maging maganda ang aming tahanan para mas maging maganda ang aming palabas namin.”

Sinigurado din ni Vic na mas maraming dabarkads ang makakapanood ng live sa APT Studios.

“Mas malaki 'yung audience area, kasi kadalasan 'yun ang nagiging problema hindi makapasok lahat ng tao. Ito may provision talagang na mas maraming puwedeng manood ng live.”

Ano naman kaya ang ma-miss ng long-time Eat Bulaga! host sa Broadway Centrum?

Wika niya, “Oo naman marami kaming ekspiriyensya doon sa 20 plus years, but siyempre, we have to move on, we have to move forward.

“Kaya, kumbaga, marami tayong natutunan sa Broadway dadalhin natin dito sa APT Studios.”

Mixed emotions naman ang nararamdaman ng Kapuso Phenomenal Star na si Maine sa paglipat ng Eat Bulaga! sa bago nilang tahanan.

Paliwanag niya, “Excited na medyo malungkot din kasi iiwan na namin 'yung studio na 'yun.

Although, kahit three years pa lang ako doon, nalulungkot na rin ako what more 'yung ibang hosts.

“Pero ayun, siyempre, panibagong journey.”