TV

Ryan Agoncillo, binalikan ang commercial modeling days

By EJ Chua

Bago makapasok sa mundo ng showbiz, bata pa lang pala ay namulat na ang Kapuso host na si Ryan Agoncillo sa mundo ng advertisement.

Sa Eat Bulaga segment na “Bawal Judgemental,” ibinahagi ni Ryan ang mga prosesong kanyang dinaanan bago siya matanggap noon bilang isang commercial model.

Kwento niya, “It starts with auditions; 1994 ako unang nagkaroon ng commercial pero matagal na proseso. Katorse anyos ako nun, 14 years old 1994, pero parang mga 12 years old palang nag-audition na ako. May braces kasi ako nun kaya hindi ako natatanggap.”

“Siguro mga dalawang taon hindi ako natatanggap, hanggang nung 14 ako sa isang clothing brand, yung Christian Values Education teacher ko sabi niya, 'Ryan this must be something you're interested in,' parang part nung tinuturo niya sakin sa Values Education, yung exposure. 'Yun pinag-apply niya ko doon,” dagdag pa niya.

Ipinakita ni Ryan sa EB Dabarkads ang isang throwback photo na kuha raw noong 1999 pa habang ginagawa ang isang commercial. Ito raw ay ginawa niya bago makuha bilang host sa isang morning show sa GMA.

Nagsimula raw noon si Ryan na mapanood sa telebisyon sa edad na 19 years old.

Ibinahagi rin niya na magkasabay sila ng news anchor na si Ivan Mayrina sa pagpasok noon sa GMA Network na mismong player noon sa segment ng Eat Bulaga.

Ayon pa kay Ryan, una siyang inalok ni Paolo Bediones kung gusto niyang subukan ang trabaho nito bilang isang host.

“Ang negosyo ko nun, simulang-simula pa lang ng digital editing. Kapag nagpe-present kami sa kliyente parang hindi sila naniniwala. So, naisip ko, 'pag nakita nila ako sa morning show… baka maniwala na alam ko 'yung ginagawa ko diba?” sabi pa niya.

“Kaso wala hindi ako natanggap sa audition sa pagiging host at news anchor. Walang callback mga dalawang buwan. Bago lumabas 'yung commercial ng Easter Sunday… Monday tinawagan nila ako kung pwede mag-guest tapos doon na nagsimula.”

Tinanong naman ni EB host at Daddy' Gurl actress na si Maine Mendoza kung bakit naisip ni Ryan na pasukin ang mundo ng advertisement.

“Nung panahon na 'yun g na g. Hindi biro 'yung panahon na 'yun. 'Yun yung may krisis sa Asya. Although my parents were business people, may kinikita naman sila, my brother had work. Kumbaga ako noon, naisip ko bawas sa iisipin kasi. Malaki 'yung gap naming ng kuya ko, fourteen lang ako nun. So yung kikitain ko sa commercial bawas na sa iisipin. 'Yun yung motivation,” kuwento ni Ryan.

Ayon pa kay Ryan, sariling desisyon niya ang pagtatrabaho bilang commercial model at hindi siya pinilit ng kanyang mga magulang na gawin ito.

Ibinahagi rin ni Ryan na mahirap ang kanyang mga pinagdaanan bago makapasok sa piniling industriya.

“Maraming proseso, pipila ka talaga…Kung may apat kang mapag-auditionan, ma-call back ka ng isa, swerte ka na. Pero malalaman mo 'yun, mga isang linggo pa ulit,” ayon sa kanya.

Habang on-going ang segment, pinapanood ni Ryan sa Eat Bulaga Dabarkads ang ilang VTR at commercials na kanyang pinagbidahan.

Kwento pa ni Ryan, “'Yung mga panahon na 'yun mahalaga na sakin ang pagko-commercial kasi talagang nakakabawas siya sa iisipin. Medyo maingat na ako sa pagpili ng mga project kasi noon kapag model ka, sana hindi nagki-criss cross yung mga proyekto. Halimbawa sa softdrinks, sa ibang inumin hindi ka na pwede.”

Matapos ang mga prosesong dinaanan, isang commercial ang naging big break ni Ryan na naging susi upang magtuluy-tuloy ang pagpasok niya sa entertainment industry.

Sa kasalukuyan, isa si Ryan Agoncillo sa mahuhusay na hosts sa longest-running noontime show na Eat Bulaga.

Samantala, kilalanin ang pamilya ni Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos sa gallery na to: