
Inamin ng Kapuso singer at international performer na si Aicelle Santos na hindi niya binalak na maging mang-aawit noon dahil ang kanyang gusto ay maging isang doktor.
Isa si Aicelle sa guest choices sa episode ng “Bawal Judgmental” segment ng Eat Bulaga ngayong Lunes, December 12, tungkol sa mga mahigit sa dalawang beses sumali contest sa TV pero hindi naging grand winner.
Ayon kay Aicelle, hindi niya dinadamdam ang pagkatalo niya noon sa singing competition na Pinoy Pop Superstar dahil sumali lamang siya dito para sa makukuhang premyo.
Aniya, “'Yung first sali ko, I was 18, sumali po ako dahil sa pera talaga. I just really need the money, hindi ko talaga binalak maging singer kasi gusto kong maging doktor noon. Ako po ay pre-med [student]. Prize money lang talaga, mukha po akong pera [laughs].
“So, may nauwi naman akong kaunti parang consolation prize ganyan, pero hindi ko naman siya dinamdam kasi nga feeling ko hindi naman ito para sa akin,” dagdag pa niya.
Matapos matalo sa unang singing competition, nagbakasali ulit siya noon sa programang Star In A Million.
Kuwento niya, “Pero 'yung pangalawang sali ko, kailangan ko ulit ng pera, sabi kasi ni Ate Reg [Regine Velasquez] PhP50,000 [ang premyo], e, 'di sabi ko, 'Ang laki no'n.' 'Tapos kapag naging apat PhP200,000, so go. So, sumali ulit ako, 'yun na 'yung sinuwerte ako ng 8 wins, nag-dire-diretso."
Hindi naman akalain ni Aicelle na kahit bigo siyang maging grand winner ay ito na ang magiging simula ng kanyang career bilang isang singer.
“Nakapasok na po ako sa TV, in-absorb ako ng SOP [Sobrang Okay Pare], hanggang ngayon [sa All-Out Sundays],” ani Aicelle.
Ayon pa sa singer, lagi niyang gabay ang Panginoon sa lahat ng kanyang ginagawa sa buhay lalo na sa kanyang career.
Aniya, “Ako po kasi personally, whenever I want something or try to do something or may pasukin akong bagay and if it doesn't happen, sasabihin ko, 'Lord, hindi naging smooth 'yung pasok ko maybe this is not for me, so I know you will open doors for me.' That's been me sa mga milestone na nangyayari sa buhay ko kaya bawat milestone na pumapasok sorpresa siya sa akin kasi, 'Talaga Lord binigay mo sa akin 'to? Salamat salamat.' So everytime naiiyak po talaga ako.”
Samantala, tumutok lamang sa Eat Bulaga, Lunes hanggang Biyernes, 12 p.m.; at tuwing Sabado, 11:30 a.m. sa GMA o bisitahin ang Eat Bulaga show page sa GMANetwork.com.
SILIPIN ANG ILANG LARAWAN NG PAMILYA NI AICELLE SANTOS AT ASAWANG SI MARK ZAMBRANO SA GALLERY NA ITO: