TV

Alden Richards, binalikan ang araw na nalamang magiging regular host na sa 'Eat Bulaga'

By Jimboy Napoles

Marami ang natuwa sa pagbabalik sa Eat Bulaga ng tinaguriang Asia's Multimedia Star na si Alden Richards kamakailan.

Sa isang exclusive interview kay Alden na inilabas ng nasabing programa sa kanilang YouTube channel, binalikan ni Alden ang panahon kung saan una siyang inalok na maging regular host na ng noontime show.

Kuwento ni Alden, “Paalis ako niyan papuntang U.S. for a show, tapos twice to thrice na ako nag-i-Eat Bulaga, even on weekdays kasi nag-start talaga ako sa Eat Bulaga as guest every Saturday, tapos after no'n 'yung bossing namin si Ma'am Jen, medyo natutuwa sa buhay kong hiram no'n, kinausap niya ako no'n bago ako umalis sabi niya, 'Gusto mo ba dito, kasi baka gusto mo na siyang gawin as a regular thing?'”

Ayon kay Alden, hindi siya makapaniwala noon sa offer ng management dahil para sa kaniya ay isa itong malaking oportunidad at talagang dream come true.

Aniya, “Para akong ano no'n 'di ba kapag may mga moments ka na nagugulat, hindi mo siya agad maririnig sa unang sabi, medyo may [pagbagal].

“Kasi isipin mo 'yung noontime show na kinalakihan ko kasama 'yung family ko, bigla akong kukunin as regular host? Aba, 'yan naman ang tinatawag nating dream come true natin diyan mga Sir.”

Dagdag pa niya, “How many opportunities in a lifetime ka ma-o-offeran to be part of the longest-running noontime show with Tito [Sotto], Vic [Sotto], and Joey [de Leon], and the Dabarkads, 'yun kasi 'yun e.”

Mahigit walong taon nang bahagi ng Eat Bulaga si Alden at proud siya na nakakabit na ang programa sa kaniyang pangalan.

“I've been part of the show for eight years already. Kapag lumalabas ako or whenever I do shows, in a way, kadikit ko na 'yung pangalan ng Eat Bulaga e,” ani Alden.

Dalawa sa mga segment ng noontime show kung saan nagsimula si Alden ay sa “Pinoy Henyo High” kung saan nakasama niya sina Sam YG at Julia Clarete. Madalas din siyang napapanood sa sugod barangay na “Juan For All, All For Juan.”

Mas lalo pang nakilala si Alden sa unexpected team up nila ng actress-host na si Maine Mendoza sa segment na “Kalye Serye” kung saan sinubaybayan ang kanilang tambalan bilang AlDub.

SAMANTALA, BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI ALDEN RICHARDS SA GALLERY NA ITO: