
Halo-halong emosyon ngayon ang nararamdaman ni Bianca Umali sa nalalapit na pag-ere ng inaabangang superserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Sa interview sa Fast Talk with Boy Abunda, ipinarating ni Bianca ang kasiyahan na "sa wakas" ay mapapanood na ang Sang'gre matapos ang dalawang taon nitong produksyon.
"Ang pakiramdam tito talaga, 'Sa wakas!' Iyon talaga 'yung pakiramdam. Halo-halo siya. Hindi mo alam kung matatakot ka ba? Sasabog ka ba sa kasiyahan? Gusto mo bang mas marami pang gawin para talagang abangan ng mga tao," sabi ni Bianca sa King of Talk na si Boy Abunda.
"Pero, excited kami na sa wakas ay maipalabas na at mapanood ng mga Kapuso at ng Encantadiks ang mundo ng Encantadia dahil napakarami pong literal na dugo at pawis ang binuhos namin para po rito," dagdag niya.
Sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, bibida si Bianca bilang Sang'gre Terra, ang tagapagmana ng Brilyante ng Lupa at ang itinakdang tagapagligtas ng Encantadia.
Sa interview, ipinakilala rin ni Bianca ang kanyang karakter na si Sang'gre Terra.
"Si Sang'gre Terra, Tito Boy, ang bagong tagapangalaga ng Brilyante ng Lupa, at si Sang'ge Terra ang chosen one dahil siya ang nawawalang Sang'gre. Hanggang doon lamang po ang aking puwedeng ibahagi," ani Bianca.
Makakasama niya sa fantaserye ang iba pang new-gen Sang'gres na sina Kelvin Miranda bilang Adamus, Faith Da Silva bilang Flamarra, at Angel Guardian bilang Deia.
Mahigpit nilang makakalaban ang Reyna ng Niyebe na si Mitena, na gagampanan naman ni Rhian Ramos.
Abangan ang Encantadia Chronicles: Sang'gre ngayong June 16 sa GMA Prime.
Panooring ang teaser ng Encantadia Chronicles: Sang'gre para kay Sang'gre Terra sa video na ito:
SAMANTALA, TINGNAN ANG MGA EKSENANG IPINASILIP SA BAGONG TEASER NG 'ENCANTADIA CHRONICLES: SANG'GRE' SA GALLERY NA ITO: